ISINUSULONG ni Senador Lito Lapid ang pagpapalago ng heritage at pilgrimage tourism destinations sa lalawigan ng Cebu at sa buong bansa.
Sa kanyang motorcade nitong Huwebes, dumaan at ininspeksiyon ng Senador ang restoration project sa Nuestra Señora del Pilar complex na pinondohan ng P110 milyon ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) na pinamumunuan ni COO Mark Lapid, katuwang ang National Historical Commission of the Philippines, at Cebu Capitol.
Ang makasaysayang simbahan ay napinsala ng super typhoon Odette noong 16 Disyembre 2021.
Ayon kay Lapid, pinuno ng Senate committee on tourism, layunin ng restoration project na maisaayos at manumbalik ang mga napinsalang bahagi ng simbahan bilang pagkilala sa Cebu na isang heritage and religious tourism destination.
Nakipagkita si Lapid kay Sibonga Mayor Mariano Laude na mainit siyang sinalubong ng mga kawani ng nasabing bayan.
Sa pulong sa Cebu capitol, nagpasalamat si Lapid kay Gov. Gwen Garcia sa pagpapahintulot na mag-motorcade sa buong probinsiya sa loob ng apat na araw mula 31 Marso hanggang 3 Abril.
Pinuri ni Lapid si Garcia sa mahusay at matatag na pamumuno sa lalawigan at madalas na bumibisita at nagdarasal si Lapid sa mga simbahan na kanyang nadaraanan sa motorcade sa iba’t ibang ng bahagi ng bansa.
Itinuturing ang Cebu bilang isa sa mga haligi ng Kristiyanismo sa Filipinas at Asya. (NIÑO ACLAN)