NANAWAGAN si re-electionist Mayor Emi Calixto-Rubiano sa lahat na dapat ay programa at hindi pamomolitika ang inihahayag ng mga kandidato sa panahon ng pangangampanya.
Ang panawagang ito ni Calixto ay ukol sa pagpapakalat ng maling impormasyon laban sa kanya.
Iginiit ni Calixto, “mahalagang malaman ng tao kung ano ang ginawa sa nakalipas, ano ang ginagawa mo sa kasalukuyan at ano pa ang gagawin mo sa mga susunod na panahon para sa iyong lungsod bilang lingkod bayan o nagnanais na maging lingkod bayan.
“Sa aking katunggali basta sabihin lang natin kung ano ang ginawa natin , at nagawa natin at ‘yung ginagawa at gagawin pa at wala na po tayong dapat na sabihin at i-offer sa (ating) taong bayan,” ani Calixto sa isang panayam.
Tiniyak ni Calixto, sa sandaling siya ay muling mahalal, gagawin niyang super health center ang ilang mga center ng lungsod na lalagyan ng paanakan, laboratoryo at drug store upang matiyak na matutugunan ang pangangailangang pangkalusugan ng bawat mamamayan ng Pasay.
Idinagdag ni Calixto, tututukan ang sektor ng edukasyon sa pamamagitan ng pagpapalawak ng Alternative Learning System (ALS) sa pamamagitan ng pag-usbong ng mga paaralan upang mabawasan ang out of school youth (OSY) habang ang mga late learners ay makatapos ng pag-aaral.
Dagdag rito ang pagkakaroon ng e-library sa mga paaralan upang makatulong sa pananaliksik at pag-aaral ganoon din ang mga robotics.
Sa kasalukuyan ay nakabili sila ng iilan at planong dadagdagan.
Siniguro ni Calixto, sa kanyang pagbabalik ay magtatayo ng mga dagdag na paaralan ang lungsod kasunod ang rehabilitasyon ng ilan kung kaya’t nagsasagawa sila ng mga land banking para hindi lamang madagdagan ang mga paaralan kundi maging ang mga pabahay sa lungsod.
Nagpapasalamat si Calixto sa mainit na pagtanggap at patuloy na suportang ipinapakita sa kanya ng mga mamamayan ng Pasay lalo ang mga sumasama sa kanila sa kampanya nang walang bayad o hinihinging kapalit.
Batay sa pinakahuling survey, nangunguna pa rin si Calixto sa mga nais maging mayor ng Pasay batay sa mga sagot ng mga mamamayan sa survey.
Hiling ni Calixto sa bawat mamamayan ng Pasay, kung naniniwala sila sa kanyang liderato ay hindi dapat maiwan ang bawat kasama niya sa Team Calixto at ihalal din nila sa puwesto upang tiyak na makatuwang at makatulong niya para sa paghahatid ng maganda, maayos, at dekalidad na mga programa at serbisyo publiko.
Kaugnay nito, nagsagawa ng motorcade campaign ang Team Calixto mula sa gilid ng senado at lumibot sa iba’t ibang lugar sa lungsod ng Pasay kasama ang kanilang mga tagasuporta. (NIÑO ACLAN)