TAHASANG sinabi ni Pasay City District 2 Election Officer IV Atty. Alvin Tugas na malaki ang posibilidad na makansela ang kandidatura ng isang tumatakbong konsehal sa lungsod.
Ito ay kapag napatunayan ang kumakalat na balita na mayroong isang kandidato para konsehal ng lungsod na ang mga magulang ay kapwa Chinese national.
Sa kabila ng mga kumakalat na sitsit ay binigyang-linaw ni Tugas na hanggang sa kasalukuyan ay wala silang natatanggap na reklamo kaugnay sa citizenship ng isang tumatakbong konsehal sa distritong minamandohan niya.
Iginiit ni Tugas, sa sandaling may maghain ng reklamo at napatunayan ito ay maaaring ‘nagkaroon’ ng misrepresentation na gagamiting grounds para sa disqualification ng isang kandidato.
Nanindigan si Tugas, sakaling manalo ang naturang kandidato sa darating na halalan ay maaaring maghain ng petisyong quo warranto para kuwestiyonin ang kanyang citizenship.
Kaugnay nito, hanggang sa kasalukuyan ay wala pang naitatalang election related violence sa Pasay lalo sa distritong sakop ni Tugas simula nang mag-umpisa ang kampanya sa lokal na mga kandidato. (NIÑO ACLAN)