LAS PIÑAS – Nangako si mayoral candidate Carlo Aguilar na ipatutupad niya ang matapang at tiyak na mga reporma upang baguhin at paunlarin ang sistema ng edukasyon sa lungsod kung siya ay mahahalal sa darating na 12 Mayo.
Binigyang-diin niya na dapat magkaroon ng de-kalidad na edukasyon at sapat na oportunidad ang bawat kabataang Las Piñero upang magtagumpay sa buhay. Kasabay nito, kailangang mabigyan ng sapat na suporta, mga kagamitan, at patas na sahod ang mga guro upang epektibong magampanan ang kanilang tungkulin sa paghubog ng susunod na henerasyon.
Aminado si Aguilar na bagamat libre na ang matrikula sa Dr. Filemon C. Aguilar Memorial College (DFCAM), hindi lahat ng estudyante ay kayang tanggapin dito. Upang mas marami pang kabataang Las Piñero ang makapagpatuloy sa kolehiyo, nangako siyang magbibigay ng subsidiya sa matrikula ng mga nag-aaral sa ibang kolehiyo at unibersidad.
Bukod dito, ipagkakaloob din niya ang buwanang allowance para sa lahat ng estudyanteng residente ng lungsod upang matulungan silang tustusan ang kanilang pang-araw-araw na gastusin.
“Mahalaga ang papel ng kabataan sa kinabukasan ng Las Piñas,” ani Aguilar. “Ang kanilang edukasyon at kapakanan ang magiging pangunahing prayoridad ng ating pamahalaang lungsod sa ilalim ng aking administrasyon.”
Upang matiyak ang de-kalidad na edukasyon ng mga estudyante, ipatutupad ni Aguilar ang malawakang paglalaan ng pondo para sa sektor ng edukasyon, kabilang ang:
Pagtatayo ng bagong mga silid-aralan at pasilidad pang-edukasyon upang matugunan ang lumalaking populasyon ng mag-aaral.
Pag-aayos at pagpapaganda ng kasalukuyang mga gusali ng paaralan upang matiyak ang kaligtasan at maayos na kondisyon sa pag-aaral.
Pagbibigay ng makabagong kagamitan at teknolohiya sa pag-aaral upang mapataas ang kalidad ng edukasyon.
Binigyang-diin ni Aguilar ang kahalagahan ng kapakanan ng mga guro, dahil aniya, ang kalidad ng edukasyon ay nakasalalay sa maayos at masigasig na mga tagapagturo. Sa ilalim ng kanyang administrasyon, isusulong niya ang:
Mas mataas na sahod at dagdag na benepisyo para sa mga guro upang matiyak ang patas na kompensasyon.
Pagkuha ng karagdagang kawani upang mabawasan ang trabaho ng mga guro at mabigyan sila ng sapat na oras para sa pagtuturo.
Libreng pagsasanay at programa para sa patuloy na pag-unlad ng kanilang propesyon.
Mental health support services para sa mga guro na nakararanas ng stress at burnout.
“Ang pangarap ko para sa kabataan at sa sektor ng edukasyon, kabilang ang ating minamahal na mga guro, ay matutupad lamang kung tayo ay magsasama-sama at magtutulungan,” ani Aguilar.
Hinikayat niya ang mga taga-Las Piñas na suportahan ang kanyang kandidatura at ang kanyang buong slate, bitbit ang pangakong isang pamamahalang nakikinig, kumikilos, at inuuna ang kapakanan ng mamamayan.