MAS lalo pang gumanda ang puwesto ng TRABAHO Partylist sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) para sa Marso 2025, mula sa ika-26 ay umakyat ito sa ika-22.
Ang pag-akyat sa survey ng TRABAHO, numero 106 sa balota, ay lumabas matapos ang kanilang pagsisikap na personal na magbahay-bahay at bumisita sa mga baranggay sa iba’t ibang parte ng bansa.
Ayon kay Atty. Mitchell-David L. Espiritu, tagapagsalita ng TRABAHO Partylist, ang mga inisyatibo ng grupo tulad ng centralization at digitalization ng mga job openings, pagpapabuti ng access sa mga vocational training, pagpapaganda ng mga kondisyon sa trabaho, at pagtutok sa mga makatarungang gawi sa paggawa ay nagkaroon ng malalim na epekto sa mga manggagawa.
“Ang pagtaas ng aming ranggo ay nagpapakita ng lumalaking suporta para sa aming pananaw ng isang inklusibong ekonomiya, na ang bawat manggagawang Filipino ay mayroong access sa disenteng trabaho at makatarungang pamumuhay,” sabi ni Atty. Espiritu.
Aniya, “kami ay nakatuon sa pagpapalakas ng mga tinig ng mga manggagawang Filipino, upang matiyak na ang kanilang mga hinaing ay hindi lamang maririnig, kundi kikilos din kami upang ito ay matugunan.”
Sa kanilang official page naman ay naglabas rin sila ng mensahe ng pasasalamat.
“Ang inyong suporta ay aming inspirasyon sa patuloy na pagtataguyod ng kalidad na trabaho, sapat na sahod, karagdagang benepisyo, maayos na kondisyon sa pagtatabaho, at patas na oportunidad para sa lahat,” pahayag ng TRABAHO.
Isinagawa ang SWS survey noong 15-20 Marso sa 1,800 rehistradong botante mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
“Kung ang eleksiyon ay gaganapin ngayon, sino po ang pinakamalamang ninyong iboto bilang PARTY-LIST?” ang naging tanong sa survey.