LALONG lumakas ang kampanya para sa Senado ng dating senador at independent candidate na si Bam Aquino matapos makuha ang suporta ng actress/TV host na si Anne Curtis, gayundin ng komedyanteng si Alex Calleja, at beteranong aktor na si Edu Manzano.
Ibinahagi ni Alex sa X (dating Twitter) ang isang screenshot ng press release ni Bam sa website ng senado noong Nobyembre 9, 2017, na tumatalakay sa Free College Law.
“Bakit si Senator Bam Aquino? Libreng Tuition! Daig pa ang ayuda, kinabukasan ng inyong mga anak ang makikinabang! Pakisama po sa listahan niyo. Salamat,” ani Alex.
Ini-repost naman ni Anne ang post ni Alex kasama ang caption na “Yes!!” bilang pagsang-ayon na nararapat iboto si Bam sa darating na halalan sa Mayo.
Nagpahayag din ng suporta si Edu sa pamamagitan ng pagsali sa “No. 5” campaign para kay Aquino sa kanyang social media account.
“Sama-sama nating isulong ang Libreng Kolehiyo at Siguradong Trabaho para sa bawat pamilyang Pilipino. #5 sa Balota! AQUINO, BAM!,” ani Edu.
Bukod sa kanyang pag-endoso, aktibo ring nangangampanya ang aktres na si Bea Binene para kay Bam. Kamakailan, sinamahan niya si Timi Aquino, asawa ni Sen Bam, sa isang house-to-house campaign sa Cebu City para direktang ipaalam sa mga botante ang tungkol sa Free College Law at iba pang mga adbokasiya ng dating senador.
Samantala, nagpahayag na rin ng suporta kay Bam ang beteranong talent manager at entertainment reporter na si Ogie Diaz. Sa kanyang YouTube show na Ogie Diaz Showbiz Update, inihayag niya na kabilang si Bam sa kanyang mga ibobotong senador sa darating na halalan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com