Tuesday , April 1 2025
COA Commission on Audit Money

COA nagbabala sa Marikina LGU
PONDONG PANGKALUSUGAN GINAMIT SA TRIP SA VIETNAM, SHF PINABUBUO KAY TEODORO

022825 Hataw Frontpage

KINUWESTIYON ng Commission on Audit (COA) ang paggamit ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina, sa pangunguna ni Mayor Marcy Teodoro, ng milyon-milyong pisong pondo na inilaan para sa mga programa at serbisyo sa kalusugan para pondohan ang biyahe sa Vietnam, pagsasaayos ng impraestruktura, pagbili ng kagamitang elektrikal, at iba pang gastusin — isang paglabag sa Universal Health Care Act at iba pang batas.

Ayon sa pinakabagong ulat ng COA, natuklasan ng ahensiya na nabigong buuin ng administrasyon ni Mayor Teodoro ang Special Health Fund (SHF) na itinatakda ng Republic Act 11223 o Universal Health Care (UHC) Law.

Dahil hindi pa naitatatag ang SHF, ginamit ng lungsod ang Trust Fund-HCI (TF-HCI) bilang pansamantalang lalagyan ng lahat ng pondo, bayad, at reimbursement mula sa PhilHealth.

Ayon sa City Treasurer, inilaan ang TF-HCI para sa mga gastusing may kaugnayan sa kalusugan, ngunit sa pagsusuri ng COA, aabot sa P45,621,586 ang nailipat sa hindi awtorisadong paggastos.

Isa sa mga pinakatampok na natuklasan ng COA ay ang cash advance na P2.3 milyon para sa gastusin ng mga opisyal ng lungsod patungong Ho Chi Minh City, Vietnam.

Nakasaad ito sa disbursement voucher 300-2309000105 na may petsang 6 Setyembre 2023.

Kasama sa mga dokumentong isinama sa liquidation ng gastos ang awtorisadong travel order ni Mayor Teodoro, mga liham mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG), at resibo ng gastusin.

Ngunit ayon sa COA, walang ebidensiyang magpapatunay na may kinalaman ang biyahe sa alinmang health program ng lungsod.

Bukod rito, nadiskubre ng COA ang paggamit ng health fund para sa pagbili ng pagkain, inumin at iba pang mga gastusin na anila’y wala ring kaugnayan sa tunay na layunin ng pondo.

Bukod sa mga nabanggit, kinuwestiyon ng COA ang hindi maayos na accounting ng PhilHealth reimbursements ng lungsod mula 8 Setyembre 2023 hanggang 30 Abril 2024.

Napansin ang hindi tamang realignment ng P130 milyon noong 6 Setyembre 2023, at P94.75 milyon noong 31 Enero 2024.

Ayon sa COA, ang mga pondong ito ay dapat inilagay sa SHF at ginamit eksklusibo para sa health services, alinsunod sa UHC Law.

Gayonpaman, imbes sundin ito, ginamit ng city government ang TF-HCI para pondohan ang mga hindi pangkalusugang gastusin tulad ng P8 milyon para sa IT equipment, P25 milyon para sa pagsasaayos ng impraestruktura, P6 milyon sa mga hindi tinukoy na donasyon, at P91 milyon para sa iba pang supplies at materyales.

Depensa ng lokal na pamahalaan, ang nailipat na pondo ay bahagi ng “savings.” Ngunit itinuwid ito ng COA at sinabing ang “savings” ay nalilikha lamang kung ang orihinal na layunin ng pondo ay natugunan na.

Idiniin din ng COA na ang mga health-related services ay patuloy na programa na nangangailangan ng tuluy-tuloy na pondo.

Bukod rito, kinuwestiyon din ng COA ang hindi awtorisadong paglipat ng pondo mula trust fund patungo sa general fund upang ipambili ng gamot para sa City Health Office — isang paglabag sa Presidential Decree 1445.

Iminungkahi ng COA sa lungsod ng Marikina na agad nitong buuin ang isang lehitimong Special Health Fund at tiyakin na ang lahat ng reimbursement mula sa PhilHealth ay mapupunta sa tamang pondo at gagamitin lamang para sa mga programang pangkalusugan, alinsunod sa UHC Law. (NIÑO ACLAN)

About Niño Aclan

Check Also

Andrew E SV Sam Verzosa

Andrew E ‘di nagpabayad; Sigaw ng Manileno SV Bagong Pag-asa

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez IBANG klase talagang mag-perform ang isang Andrew E. Kapag siya na ang nasa …

033125 Hataw Frontpage

Pagkatapos ng meryenda at sitserya  
‘TEAM GROCERY’ BISTADO SA KONTROBERSIYAL NA CONFIDENTIAL FUNDS NG VP

HATAW News Team MATAPOS ang mga pangalan at apelyidong kahawig ng coffee shop, sitserya, at …

033125 Hataw Frontpage

Resulta ng survey
85% NG KABATAAN APRUB NA PATALSIKIN SI VP SARA

MAYORYA ng college students ang naniniwala na dapat mapatalsik sa kanyang puwesto si Vice President …

Kondisyon ng food, shipbuilding industry workers, sinipat ng TRABAHO Partylist

Kondisyon ng food, shipbuilding industry workers, sinipat ng TRABAHO Partylist

SINIPAT ng TRABAHO Partylist sa Navotas City ang kondisyon ng mga nagtatrabaho sa mga latahan …

IPRA mas palalakasin ng FPJ Panday Bayanihan

IPRA mas palalakasin ng FPJ Panday Bayanihan

ISUSULONG ng FPJ Panday Bayanihan partylist ang ibayong pagpapalakas ng Indigenous Peoples Right Act (IPRA) …