NANINDIGAN si Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino na kanyang bubuhayin ang pagsusulong ng death penalty laban sa mga karumal-dumal na krimen sa sandaling muli siyang mahalal na senador sa darating na halalan sa Mayo.
Ang paninidigang ito ni Tolentino ay kanyang inihayag sa kanyang pagdalo sa Seminar/Training ng Philippine Councilor League (PCL) ng Northern Samar.
Ayon kay Tolentino panahon na upang kalusin ang mga kriminal na walang takot at walang pakundangan sa paggawa ng krimen.
Ngunit aminado si Tolentino na maraming tututol sa kanyang panukala subalit patuloy siyang maninidigan sa pagsusulong nito.
Tinukoy ni Tolentino na mayroon namang death penalty noong araw bagama’t pinahinto pero ngayon ay panahon na umano para muling buhayin ito.
Iginiit ni Tolentino na hindi naman ipinagbabawal sa Saligang Batas o Konstitusyon ang pagsusulong nito.
Kasunod nito nakiusap si Tolentino sa mga dumalong konsehal at ilang mga bise alkalde na nawa sa kanilang pag-uwi sa kanilang bayan at lungsod ay kanilang ikampanya sa taong bayan ang karapat-dapat na iboto upang mamuno — ‘yung may totoong pangarap, nakapagsilbi na, at may napatunayan sa paglilingkod bayan. (NINO ACLAN)