NAKATAKDANG isulong ni re-electionist Senator Francis “Tol” Tolentino sa kanyang pagbabalik sa senado ang pagtanggal ng 12% value added tax (VAT) sa electric bill upang maging mababa ang singil sa mga mamamayan.
Ayon kay Tolentino sa sandaling tanggalin ito ay hindi naman malulugi ang pamahalaan.
Diin ng reeleksiyonista, sa sandaling mawala ang VAT sa koryente ay makatutulong para palakasin ang purchasing power ng taong bayan.
Tahasang sinabi ni Tolentino na mahina ang pamunuan ng Energy Regulatory Commission (ERC) kung kaya’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng koryente.
Hindi inirerekomenda ni Tolentino ang tuluyang pagbasura sa EPIRA Law ngunit naniniwala siyang dapat itong pag-aralan para amyendahan.
Iginiit ni Tolentino na dapat palakasin ang mandato ng ERC. Sa nakaraang disposisyon ng ERC sa Meralco, hinintay pa nilang magpetisyon ang kompanya at tumaas ang singili nitong Pebrero ng P0.28 sentimo per kilowatt hour (kWh).
Binigyang-diin ni Tolentino na dapat ay maging pro-active ang ERC dahil kitang-kitang ang pagiging mahina nito.
Naniniwala si Tolentino, ang pagkakaroon ng nuclear power ang isa sa solusyon upang maaresto ang patuloy na pagtaas ng presyo ng koryente sa bansa.
Si Tolentino ay dumalo sa Philippine Association of Board of Directors of Rural Electric Cooperatives (PHABDREC) upang tiyakin na kanyang isusulong ang kapakanan at proteksiyon ng mga kooperatiba. (NIÑO ACLAN)