PINANGASIWAAN ng FPJ Panday Bayanihan Party-List ang paglulunsad ng programang libreng pangkabuhayan para sa mga manggagawang pangkakalusugan nang magkasundo ang kinatawan ng iFern franchises at opisyal ng Barangay Health Workers (BHW) Federation ng San Carlos City, Pangasinan.
Lumagda sa Memorandum of Agreement (MOA) sina Brian Poe Llamanzares, Marvin Casiño IFern Presidential Director, at Alegria Almajano, Pangulo ng BHW Federation ng Pangasinan para sa pormal na pagtataguyod ng ugnayan upang mapagkalooban ng libreng IFern franchises ang mga BHW.
Ginanap ang makasaysayang kasunduan sa FPJ Panday Bayanihan Headquarters sa Barangay Palaming sa siyudad ng San Carlos.
Ang kompanyang iFern ay direktang nagbebenta at network marketing arm na may konseptong pagpapalaganap ng mabuting kalusugan habang nagbibigay ng mga mapagkakakitaang pagkakataon sa negosyo para sa mga miyembro nito.
Ayon kay Brian Poe, unang nominado ng FPJ Panday Bayanihan Partylist, sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga oportunidad sa kabuhayan ng barangay health workers na gamit ang mga produkto ng IFern ay nakapagbibigay ng tulong sa kanila upang magkaroon ng sustainable income bilang karagdagan sa mabigat na gawain ng health workers sa paglilingkod pangkalusugan sa publiko.
Sumisimbolo sa kolektibong pangako namin na bigyang-kapangyarihan ang mga lokal na health workers. Hindi matatawaran ang mahalagang ginampanan ng mga BHW sa panahon ng pandemyang COVID-19, lahad ni Poe.
Ikinalugod ni Almahano ang pagtulong ni Brian Poe at kapartido nito.
“Nangako siya sa akin na bibigyan kami ng kabuhayan na libre. Siya ang nagbayad ng franchise. Talagang nagpapasalamat kami kay Sir Brian sa oportunidad na ito, at sana magpatuloy ang magandang partnership na ito at sa FPJ Panday Bayanihan Partylist,” lahad niya.
Dumalo rin sa okasyon sina Atty. Wilson Austria, notaryo publiko; at Konsehal Lovely Lian Maramba, Pangasinan Coordinator ng FPJ Panday Bayanihan. Nakilahok din ang mga Pangulo ng BHW Federation mula sa iba’t ibang bayan ng Pangasinan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com