BILANG pagtupad sa kanilang pangakong pagpapabuti ng mga impraestruktura at disaster resilience, pinasinayaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang bagong gawang 389-metrong drainage system sa Purok Ilang-Ilang, Brgy. Panasahan, sa lungsod nag Malolos, nitong Martes, 14 Enero.
Ang bagong itinayong drainage system ay isang makabuluhang hakbang sa pagtugon sa isyu ng pagbaha sa lugar, partikular sa panahon ng tag-ulan, na idinisenyo upang mapahusay ang pamamahala sa daloy ng tubig, mabawasan ang panganib dulot ng pagbaha, at mapabuti ang kalidad ng pamumuhay ng mga residente sa Brgy. Panasahan.
Nagsimula ang konstruksiyon ng proyekto noong 1 Hulyo 2024 at matagumpay na nakompleto noong 16 Oktubre sa pamamagitan ng pondo mula sa Seal of Good Local Governance Incentive Fund (SGLGIF) na ipinagkaloob ng Department of the Interior and Local Government (DILG), na nagkakahalaga P3,979,898.47.
Nagpahayag ng kanilang taos-pusong pasasalamat ang mga lokal na opisyal ng barangay at mga residente para sa nasabing inisyatiba, at kinilala ang drainage system bilang sagot sa kanilang matagal nang suliranin.
“Dati maraming nadidisgrasya, mga napuputikan. Ang mga bata, nagkakasakit kasi walang drainage, kasi marumi ang naiipon na tubig. Ngayon maayos na dumadaloy ang tubig pati mga dumi ay hindi na naii-stock, iyon ang aking nakita dito ngayon sa aming lugar,” pagbabahagi ni Elizabeth Marquez, residente sa Purok Ilang-Ilang.
Iginiit ni Gov. Daniel Fernando ang kahalagahan ng collaborative governance sa matagumpay na pagpapatupad ng mga naturang proyekto at inihayag na ang mga hakbangin tulad nito ay naging posible sa pamamagitan ng pagkamit ng lalawigan ng Seal of Good Local Governance.
“Ang proyektong ito ay isang pangmatagalang tugon para maiwasan ang ganitong mga suliranin sa hinaharap. Ito ay maghahatid ng malaking benepisyo sa ating komunidad. Inaasahan nating mas mag-i-improve ang daloy ng mga sasakyan, mababawasan ang panganib ng pagbaha, at higit sa lahat, masisiguro ang kaligtasan ng ating mga kababayan,” anang gobernador.
Dumalo sa pagpapasinaya ng mahahalagang panauhin kabilang sina Vice Gov. Alexis Castro, Malolos City Vice Mayor Miguel Alberto Baustista, DILG Provincial Director Myrvi Apostol-Fabia, Provincial Administrator Antonia Constantino, Provincial Information Officer Katrina Anne Balingit, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan at ng Sangguniang Panlungsod ng Malolos, habang pinangunahan ni Rev. Fr. Joselito R. Cruz ang pagbabasbas sa bagong drainage system. (MICKA BAUTISTA)