NAKAUWI na sa bansa ang napiit na overseas Filipino worker (OFW) sa loob ng 14 taon at biktima ng human trafficking na si Mary Jane Veloso mula sa Jakarta, Indonesia.
Ito ay matapos magdesisyon ang Indonesian government na pauwiin si Veloso na nahuli noong 2010 dahil sa nakitang ilegal na droga sa kanyang bagahe at unang nasentensiyahan ng bitay.
Si Veloso ay sinalubong ng kanyang pamilya mula sa Jakarta at kasamang dumating sa bansa kasama ang grupo ng Oplan Sundo-Nesia team.
Kasama ng pamilya ni Veloso ang kanyang abogado, at mga tagasuporta sa NAIA Terminal 3 upang salubungin si Veloso bitbit ang kanilang banner ng pagbati sa pagbabalik sa lupang tinubuan.
Kabilang sa kanila ang kanyang abogado mula sa National Union of People’s Lawyers (NUPL), ang OFW group na Migrante International, church leaders mula sa Save Mary Jane Task Force, at si Liza Maza, dating congresswoman at pangunahing may-akda ng 2003 Anti-Trafficking in Persons Act.
“Dahil sa maraming mga tao at organisasyong sumusuporta sa amin sa loob at labas ng bansa, hindi lamang natin naisalba si Mary Jane sa pagbitay. Sa wakas, makakapiling namin si Mary Jane dito sa Filipinas dahil sa tulong niyong lahat,” ani Celia Veloso, ina ni Mary Jane.
Idineretso si Veloso ng team ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang, Jr., at pagkatapos ng ilang proseso ay dadalhin sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.
Ipinaliwanag ni Catapang kung bakit hindi nila pinosasan si Veloso nang makauwi sa bansa kamakalawa ng umaga dahil ito ay base sa “rules of general application of the standard minimum rules for the treatment of prisoners” na inadopt ng First United Nations Congress on the Prevention of Crime and the Treatment of Offenders.
Binigyang-diin ng BuCor chief, nakasaad sa nabanggit na patakaran na ano mang restraint o pagpigil sa kilos ng isang arestadong indibiduwal ay hindi na kailangan ipatupad kung hindi naman kinakailangan.
Aniya, nakasaad ito sa Bangkok Rules o ‘yung United Nations Rules for the Treatment of Women Prisoners and Non-custodial Measures for Women Offenders na naglalayong mapreserba ang dignidad ng mga nakakulong na kababaihan.
Wala umanong balak tumakas si Veloso o kahit saktan ang kanyang sarili at sa halip nais nitong makabalik sa Filipinas, dagdag ng opisyal.
Imbes posas ay dapat rosas ang ibigay kay Veloso, pahabol ni Catapang.
Kaugnay nito, tiniyak ng opisyal sa pamilya ni Veloso na mabibisita siya sa araw mismo ng Pasko sa kanyang selda.
Pagkatapos, aniya, ng limang araw na quarantine period na mandatory para sa mga persons deprived of liberty (DPL) , isasailalim si Mary Jane sa medical and physical examination.
Si Veloso ay dumating sa bansa lulan ng Cebu Pacific flight 5J 760 na lumapag sa NAIA terminal 3 kung saan siya sinalubong ng iba’t ibang government official sa pangunguna ng Nesia team ng BUCOR.
Escorted si Veloso ng NBI, PNP, CIDG, at Bureau of Corrections mula NAIA terminal 3 patungo sa Mandaluyong City.
Ipinagmalaki ni Catapang ang matagumpay na pag- uwi sa bansa ni Veloso dahil sa pagtutulungan ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa pangunguna ng Department of Foreign Affairs. (NIÑO ACLAN)