Saturday , May 10 2025

Disqualified si Marcy Teodoro — Comelec

121324 Hataw Frontpage

IDINEKLARANG diskalipikado at hindi na maaaring tumakbo bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Marikina si Mayor Marcy Teodoro matapos lagdaan ng Comelec First Division ang diskalipikasyon laban sa kanyang kandidatura noong 11 Disyembre 2024.

Pinagtibay ng mga lagda nina Commissioner Ernesto Ferdinand Maceda, Commissioner Aimee Ferolino, at Commissioner Socorro Inting ang desisyon ng Comelec First Division.

Sa kanyang certificate of candidacy (COC), idineklara ni Teodoro na residente siya ng Unang Distrito sa kabila na alam niyang hindi iyon totoo.

Ayon sa Comelec, malinaw itong ‘material misrepresentation’ o panloloko, sapat na dahilan para kanselahin ang kanyang kandidatura sa pagka-kongresista sa unang distrito para sa halalan sa 2025.

“Kahit pinapayagan ang pagbabalik sa dating distrito, kailangang maipakita ni Teodoro na siya ay aktuwal na nanirahan at muling nagtatag ng tirahan sa Unang Distrito nang hindi bababa sa isang taon bago ang halalan,” saad ng Comelec sa wikang Ingles.

Base sa Comelec, napatunayang iniwan na ni Teodoro ang kanyang domicile of origin sa Unang Distrito at nagkaroon ng bagong domicile of choice sa Ikalawang Distrito.

Bagamat walang bawal para kay Teodoro na bumalik sa kanyang dating domicile of origin, kinakailangan ng batas sa halalan na magpakita siya ng ebidensiyang muli niyang naitatag ang kanyang tirahan sa Unang Distrito nang hindi bababa sa isang taon bago ang halalang pambansa at lokal sa 2025.

“Sa deklarasyon niya sa kanyang COC ng kabaligtaran, sa kabila ng kanyang kaalaman na hindi niya natutugunan ang minimum residency requirement, malinaw na nagkaroon si Teodoro ng ‘material misrepresentation’ na hindi puwedeng palampasin ng Komisyon,” saad sa desisyon.

Ipinaliwanag ng Comelec na sinadya at seryosong maling inilahad ni Teodoro ang kanyang residency sa Unang Distrito, dahilan para ikansela o hindi bigyan ng bisa ang kanyang COC.

Sinabi ng Comelec na hindi maitatatanggi at inamin mismo ni Teodoro na may bahay siya sa Barangay Tumana, Ikalawang Distrito, at matagumpay niyang inilipat ang kaniyang tirahan doon.

Dahil dito, kinakailangan anila na maipakita ni Teodoro ang malinaw at konkretong intensiyon, aktwual na pagbabago ng tirahan, at pagtira sa Unang Distrito.

“Hindi mapapasubalian at aminado mismo si Teodoro na mayroon siyang bahay sa Barangay Tumana, Ikalawang Distrito, at matagumpay na nailipat niya ang kanyang legal na tirahan doon. Dahil dito, upang matagumpay at mabisang maibalik ang kanyang tirahan sa Unang Distrito, kinakailangang magpakita ng ebidensiyang tumutupad sa tatlong nabanggit na kinakailangan,” ayon sa Comelec.

Binigyang diin ng Comelec na ang pagkakaroon ng bagong tirahan ay hindi lamang basta deklarasyon, kundi kailangang ipakita ang tatlong mahalagang aspekto: aktuwal na paglipat, intensiyong iwan ang dating tirahan, at aktuwal na pagtira sa bagong lugar.

Sa kaso ni Teodoro, wala siyang naipakitang sapat na patunay na bumalik siya sa Unang Distrito.

Dagdag ng Comelec, hindi sila kombinsidong naibalik at muling naitatag ni Teodoro ang kanyang paninirahan sa Unang Distrito mula noong Abril 2024.

Anila, tulad ng binanggit ng mga petitioner, walang sapat at mapapatunayang konkretong aksiyon si Teodoro para suportahan ang kanyang intensiyon na bumalik at muling manirahan sa Unang Distrito. (NIÑO ACLAN)

About Niño Aclan

Check Also

Bagong Henerasyon Partylist

Bagong Henerasyon (BH) pasok sa winning cricle ng SWS survey

HALOS nakatitiyak na ang Bagong Henerasyon (BH) Partylist ng isang puwesto sa Kongreso base sa …

051025 Hataw Frontpage

Tarpaulin sa highways ipinababaklas
KAMPANYA LAST DAY NGAYON — COMELEC
Alak, sabong bawal din

HATAW News Team NAGPAALALA kahapon ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato sa May …

TRABAHO Partylist, umapela sa dagdag na Digital Services Tax para sa freelancers

TRABAHO Partylist, umapela sa dagdag na Digital Services Tax para sa freelancers

UMAPELA ang TRABAHO Partylist, numero 106 sa balota, sa mga mambabatas na magsulong rin ng …

Benhur Abalos

Benhur Abalos nagulat pag-endoso ni Vice Ganda; Roselle Monteverde iginiit unahin ang bansa

ni MARICRIS VALDEZ MALAKI ang pasasalamat ni Senatorial candidate Benhur Abalos kay Vice Ganda sa pag-eendoso sa kanya. Sa …

Bam Aquino Dingdong Dantes

Dingdong Dantes: volunteer na ni Bam Aquino mula noong 2013

NAGPAHAYAG si Dingdong Dantes ng buong suporta sa kaibigan na si dating senador at independent senatorial candidate Bam Aquino, …