SABIT sa reklamong nag-uugnay sa halos P1 bilyong iregularidad sa proseso ng bidding ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard Bids and Awards Committee (PCG BAC) sa pamumuno nina PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan.
Base sa isinampang kaso sa Ombudsman kamakailan, ang iregular na bidding process ng proyektong pagbili ng mga pistola na nagkakahalaga ng P971,536,500 para sa pagbili ng 19,627 units ng caliber 9mm pistol na overpriced o may tongpats na halos P421,000,000.
Bukod kay Gavan, sinampahan din ng South Korean company Dasan Machineries Co. Ltd. ng kasong criminal at administratibo sina Rear Admiral Hostillo Arturo Cornelio, Commodore Algier Ricafrente, Commander Benedicto Bartolome, at iba pang mga miyembro ng Bids and Awards Committee (BAC) at Technical Working Group (TWG) ng Philippine Coast Guard sa maanomalyang bidding process.
Sinabing hindi patas na pinaboran ng Coast Guard ang Armscor Global Defense Inc. sa kabila ng lampas pa sa dobleng presyo ng mga pistola kompara sa presyo sa merkado o dealer’s price ng parehong brand at model na pistol.
Sa mga isinampang reklamo, inihayag ng mga opisyal ng Dasan na ang presyo sa merkado o dealer’s price ng mga nasabing baril ay nagkakahalaga lamang ng P20,500 sa dealer’s price samantala sa bid price na idineklara ng Armscor at pinalusot ng PCG-BAC na lampas pa sa doble sa halagang P49,500.
Sa nasabing reklamo, inaakusahan ng grave misconduct at gross neglect of duty at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang PCG BAC dahil sa pagpapalusot sa nasabing bidding.
Ang mga nasabing transaksiyon ay tinawag na “grossly disadvantageous to the government” lalo ngayong ang PCG ay nararapat na nakatuon sa West Philippine Sea na dapat paghandaan at hindi ang pagbili ng pistola dahil hindi naman maaaring gamitin sa posibleng komprontasyon sa dagat.
Sa kasalukuyan ay hinihintay ang pasya ng Ombudsman kung ang kaso ay isasampa sa Sandiganbayan. (NIÑO ACLAN)