PINURI ni Senador Win Gatchalian ang pagdami ng mga benepisaryo ng Tertiary Education Subsidy (TES) mula sa mga pamilyang kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), na may higit sa 159,000 bagong estudyante ang nakatatanggap na ngayon ng tulong pinansiyal para sa mga gastusin sa edukasyon.
Batay sa pagsusuri ng opisina ng senador sa datos mula sa Commission on Higher Education (CHEd) at Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST), 21% ng mga benepisaryo ng TES noong school year (SY) 2022-2023 ang nagmula sa mga pamilyang mababa ang kita, o ‘yung mga kabilang sa 4Ps at Listahanan. Ang Listahanan ay isang sistema ng pamamahala ng impormasyon na tumutukoy sa mahihirap sa bansa at sa kanilang mga lokasyon.
Pitumpu’t siyam na porsiyento ng mga benepisaryo ng TES sa parehong school year ay mula sa mga lugar na walang state at local universities and colleges (SUCs at LUCs). Nang magsimula ang TES noong 2018, 71% ng mga benepisaryo ay nagmula sa mga pamilyang mababa ang kita.
Binigyang-diin ni Gatchalian, ang pagbaba ng bilang ng mga benepisaryo ng TES mula sa mahihirap na pamilya noong nakaraang budget deliberations sa Senado, at sinabi na ang trend na ito ay hindi tugma sa layunin ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931) na bigyang-prayoridad ang pinakamahirap na mga estudyante.
Upang baliktarin ang trend, nagpasok si Gatchalian ng isang special provision sa pondo ng CHEd noong 2024, na nag-aatas sa UniFAST na bigyang prayoridad ang mga estudyante sa ilalim ng Listahan 2.0 at mula sa mga pamilyang mababa ang kita sa pagpili ng mga benepisaryo ng TES.
Ang espesyal na probisyon ni Gatchalian ay naglaan ng P3.1 bilyong TES grants para sa mga estudyante sa kolehiyo mula sa pinakamahihirap na pamilya sa bansa.
Ipinapakita ng datos mula sa CHEd at UniFAST na mayroon nang 159,832 bagong grantees mula sa mga pamilyang 4Ps.
Ang porsiyento ng mga benepisaryo mula sa mga pamilyang 4Ps ay tumaas ng 27% noong SY 2023-2024 mula sa mas mababa sa 1% noong SY 2022-2023. Para sa SY 2023-2024, ang kabuuang bilang ng mga benepisaryo ng TES mula sa 4Ps at Listahanan ay 210,202.
“Nais nating siguruhin na mapupunta sa mga pinakamahirap nating constituents ang subsidiya at sila muna ang mabibigyan ng prayoridad. Ito ay isang hakbang na isinakatuparan natin noong nakaraang talakayan sa pondo. Nagpapasalamat ako sa Komisyon at sa UniFAST board sa pagtugon sa ating kahilingan,” ani Gatchalian.
Kinompirma ni CHED Chairperson Prospero De Vera III na binago ng UniFAST board ang patakaran sa pagpili ng mga benepisaryo ng TES dahil sa interbensiyon ng Kongreso. (NIÑO ACLAN)