NAGHAIN ng kanyang certificate of candidacy (COC) si senator Nancy Binay sa Brgy. Valenzuela community complex sa lungsod ng Makati para tumakbong mayor ng lungsod.
Bukod sa mga tagasuporta, kasama ni Binay na naghain ng COC ang kanyang running mate na si Monsour del Rosario bilang vice mayor.
Kabilang sa mga naghain ng kandidatura ang tig-anim na konsehal ni Binay sa ilalim ng United Nationalist Alliance (UNA), mula sa distrito uno ay sina dating konsehal Mayeth Casal-Uy, Ferdie Eusebio, Romy Medina, at Arlene Ortega; at sina Brgy. Tejeros kagawad Lennie Cosing at Dasmariñas captain Dino Imperial.
Samantala, sa distrito dos ay sina dating Konsehal Ruth Tolentino at King Yabut; at sina dating Guadalupe Nuevo barangay captain Badette Sese, kagawad Levy Ramboyong, dating kagawad Jeff Baluyot, at Engr. Mar Hechanova.
Tiniyak ni Binay na ang kanyang pagtakbo ay upang ipagpatuloy ang nasimulang serbisyong legasiya ng kanyang amang si Jejomar “Jojo” Binay na dating alkalde ng lungsod bago naging vice president ng bansa.
Inaasahang magiging katunggali ni Binay ang asawa ng kanyang kapatid na si Mayor Abby Binay na si Luis Campos.
Ngunit umaasa pa rin si Binay na may sapat pang panahon upang magbago ang isip ng asawa ng kanyang kapatid at respetohin ang desisyon ng kanilang ama.
Ayon kay Binay, sa sandaling tuluyan silang maglaban ng asawa ng kanyang kapatid, ipauubaya niya ang pagpapasya sa Makatizens at tiniyak na ang track record niya sa senado ang magsasalita kung ano ang kaya niyang gawin sa lungsod ng Makati at sa mamamayan ng lungsod.
Dumating si Junjun Binay sa paghahain ng COC ng kanyang kapatid upang ipakita ang kanyang suporta.
Ayon kay Junjun nag-uusap sila kasama ang kanilang amang si Jojo Binay na suportahan ang bawat isa sa kanilang tatakbuhing posisyon. (NIÑO ACLAN)