“KUNG korap ka, lagot ka sa Bayan Muna!”
Bitbitang platapormang papanagutin ang mga tiwaling opisyal sa pamamagitan ng pagbabalik sa Kamara de Representantes, naghain ang Bayan Muna party-list ng certificate of nomination and acceptance (CONA) para sa 2025 midterm elections kahapon, 1 Oktubre 2024.
Ikinasa ng Bayan Muna ang abogado at dating kinatawan na si Neri Colmenares, dating House deputy minority leader Carlos Zarate, at dating kinatawan Ferdinand Gaite, bilang unang tatlong nominado para sa eleksiyon sa susunod na taon.
Sa paskil sa kanilang social media (socmed) account, sinabi ng Bayan Muna na ang pagpapanagot sa lahat ng ‘korap’ at tiwali sa loob ng gobyerno ang isa sa plataporma ng Bayan Muna, hindi lang ngayon kundi sa loob ng 25 taon nitong paglilingkod sa bayan.
Anila, “Sa kasaysayan at rekord ng paninilbihan ng partylist ng bayan sa kongreso, pinapanagot nito sa ‘taumbayan’ lahat ng mga korap at tiwali.
“Walang pinipili kundi ang interes ng mamamayan, sa mga nagdaang administrasyon simula sa pagkatatag at pagkahalal nito – Estrada, Arroyo, Aquino, Duterte, at sa rehimeng Marcos Jr. ngayon; una ang Bayan Muna sa pagsasampa ng mga kaso, sa kongreso man o sa korte upang panagutin ang mga tiwaling opisyal.”
Gamit ang hashtags na #BayanMunaIpanalo #UnaSaLahatBayanMuna, sinabing magpapatuloy ang Bayan Muna sa pagtiyak na ang pondo ng bayan ay inilalaan sa mga mamamayan, hindi sa bulsa ng iilan, hindi sa ganansiya ng dayuhan.