TINATAYANG nasa P90-milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakompiska ng mga awtoridad sa operasyong isinagawa sa pier ng Matnog, sa lalawigan ng Sorsogon, nitong Sabado, 28 Setyembre.
Sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region V nitong Linggo, 29 Setyembre, nasamsam ang pinaniniwalaang shabu na aabot sa 18 kilo ang timbang at nagkakahalaga ng P90 milyon.
Gayondin, arestado sa operasyon ang dalawang suspek na kinilalang sina Jehamin Kumpi at Kabilan Arsad Yusop, kapwa mga residente sa Shariff Aguak, Maguindanao, sa loob ng compound ng pier dakong 10:00 pm.
Nakompiska rin sa operasyon ang tatlong cellphone at identification cards (IDs) ng mga suspek.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA Bicol ang dalawang suspek na nakatakdang sampahan ng mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.