MAHALAGA para sa bansa na alalahanin ang mga mamamahayag na nagbigay ng kanilang buhay sa walang humpay na paghahanap ng katotohanan, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., noong Biyernes.
Sa pagdiriwang ng ika-50 Anibersaryo ng Publishers Association of the Philippines, Inc. (PAPI) sa Pasay City, tiniyak ni Pangulong Marcos na ang pamahalaan ay nananatiling nakatuon sa pagbibigay-proteksiyon sa mga mamamahayag at pagtataguyod ng kalayaan sa pamamahayag sa bansa.
“Sa ating pagninilay sa ating laban para sa katotohanan, mahalagang alalahanin ang mga mamamahayag na nagbuwis ng kanilang buhay sa pagsisikap na ito: sina Percival “Percy Lapid” Mabasa, [Juan] “DJ Johnny Walker” Jumalon, Cresenciano Bundoquin, at marami pang iba,” ani Pangulong Marcos.
“Hindi sila basta pangalan lamang sa isang ulat; sila ay mga mukha na may mga pamilya, kasamahan, at komunidad na nagluluksa sa kanilang pagkawala. At sa kabila ng ating pagdadalamhati, hanapin natin ang lakas ng loob,” dagdag niya.
Ang lahat ng pagsisikap para makamit ang katarungan para sa kanila ay patunay ng paniniwala na walang istorya, gaano man ito kapanganib, ang masyadong maliit o walang kabuluhan upang ipahayag, ayon sa Pangulo.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na ang pamahalaan ay nakasuporta sa komunidad ng media sa laban na ito habang hinikayat niya ang mga miyembro ng press na itaguyod ang responsableng pamamahayag para sa isang may kaalamang mamamayan.
Ang Presidential Communications Office (PCO) at Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), ayon sa Pangulo, ay ang mga pangunahing ahensiya sa pagtutok sa mga pagsisikap na isulong ang responsableng pamamahayag, kalayaan sa media, at seguridad ng media.
Kabilang sa mga programa at aktibidad ng pamahalaan para sa mga mamamahayag ang Media and Information Literacy (MIL) Campaign, Regional Media Summits na nagtataguyod ng kalayaan sa pamamahayag at responsableng press, at ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng PTFoMS at Commission on Elections (Comelec) upang matiyak ang kaligtasan at proteksiyon ng mga mamamahayag na nagko-cover ng mga eleksiyon.
Itinatag ang PAPI noong 1974 bilang isang non-profit at non-stock na organisasyon ng media, na mayroong mahigit 400 publikasyong panlalawigan at ilang pambansang publikasyon bilang regular na miyembro.
Ang misyon nito ay tulungan ang pagsasama-sama ng mga publisher at komunidad sa isang masiglang media fraternity; ipagtanggol at itaguyod ang kalayaan sa pamamahayag at responsableng pag-uulat ng balita; pagyamanin ang kakayahan ng mga media practitioners sa pag-uulat; at paunlarin ang isang well-informed na publiko.