INIHAIN ng Bureau of Customs (BoC) ang reklamo laban sa may-ari at mga tripulante ng MT Tritrust at MT Mega Ensoleillee, na naaktohan sa Navotas Fish Port na sangkot sa ‘paihi’ o ilegal na paglilipat ng unmarked fuel.
Kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), National Internal Revenue Code (NIRC), at Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN Law) ang isinampa ng BoC sa mga crew, operators, at may-ari ng MT Tritrust at MT Mega Ensoleillee.
Kasama sa inasunto ang siyam na crew ng MT Tritrust at 16 crew ng MT Mega Ensoleillee, na nahuli habang may lulan na hinihinalang smuggled fuel.
Isinagawa ang inquest proceedings sa Office of the City Prosecutor, Navotas City nitong Sabado, 21 Setyembre 2024.
Binigyang diin ni Customs Commissioner Bien Rubio ang pangangailangan nang mabilisang aksiyon laban sa fuel smugglers upang mapigilan ang mga susunod na pagtatangka sa hinaharap.
Sa ulat, ang mga tripulante ng naturang dalawang barko ay nahuli sa aktong nagpupuslit ng unmarked fuel matapos magkaroon ng failed result ang isinagawang fuel marking testing ng Enforcement Group-Fuel Marking Agents sa mga diesel fuel na lulan ng dalawang barko.
Sinabi ni BoC- Customs Intelligence and Investigation Services (CIIS) Director Verne Enciso na base sa diesel fuel inventory ng dalawang barko, ang MT Tritrust ay naglalaman ng 320,463 litro. Ang MT Mega Ensoleillee ay mayroon namang 39,884 litro.
Tinatayang ang kabuuang halaga ng langis sa dalawang fuel tankers na nadiskubre ng BoC ay nagkakahalaga ng P715,350,000.
Sa tanong ng BoC team, katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG) Task Force Aduana, sa mga crew kung ano ang kanilang ginagawa sa area ng Navotas Fish Port, sinagot ng kapitan at sinabing binilinan sila ng may-ari ng barko na manatili sa lugar para sa bunkering.
Ngunit nang hingian ng bunkering permits, inamin ng mga kapitan na wala sila nito.
Batay sa registration documents ng dalawang barko, lumilitaw na ang Megapower Petroleum at Shipping Corporation ang nagmamay-ari sa MT Tritrust at MT Mega Ensoleillee. (HATAW News Team)