NANAWAGAN si Senador Ramon Revilla, Jr., kasama ang kanyang kabiyak na si Congresswoman Lani Mercado na huwag haluan ng kahit anong uri ng politika ang pagdamay sa mga kababayang nasunugan o nasalanta ng kalamidad.
Ang reaksiyon ng mag-asawang Revilla ay kasunod ng kanilang pagkakaloob ng tulong sa mahigit 1,900 pamilyang nasunugan sa Brgy. 105, sa Tondo, Maynila.
Ayon sa mag-asawang Revilla, sa panahon ng sakuna ang dapat gawin ng bawat isa ay magkaisa at magtulungan upang muling makabangon ang ating mga kababayang nakaranas ng sunog o kalamidad.
Tiniyak din ng mag-asawang Revilla na hindi nila titigilan ang pagtulong sa mga mamamayan ng Brgy. 105 dahil nakatakda siyang sumulat at makipag-ugnayan sa National Housing Authority (NHA) upang pagkalooban ng maayos na relokasyon ang mga nasunugang residente.
Bukod dito, nagpapasalamat si Revilla sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pangunguna ni Mayor Honey Lacuna kasama ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) na pinamumununuan ni Director Ma. Asuncion “Re” Fugoso sa agarang pagtugon sa mga kababayang nasunugan.
Nagpaalala ang mag-asawang Revilla sa lahat na inspeksiyonin ang kanilang electrical wiring upang matiyak na ligtas at maayos ang bawat tahanan.
Kabilang sa tulong na ipinagkaloob ng mag-asawang Revilla ay ang isang galon na mineral water, grocery package, tsinelas, at pagkain.
Tiniyak ng mag-asawang Revilla na kanilang aayusin ang pagkakaloob ng financial assistance para sa mga nasunugan.
Kaugnay nito nagpasalamat si Brgy. 105 chairwoman Elenita Reyes sa agarang saklolo na ipinagkaloob ng mag-asawang Revilla.
Umaasa si Reyes na tutugunan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang pangangailangan ng mga nasunugan. (NIÑO ACLAN)