IKINAGALAK ni Philippine Army Reserve Officer
B/Gen. at Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino ang pagtaas ng bilang ng mga sumasapi sa reserve officer ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Kahapon, dumalo si Tolentino bilang guest speaker sa 45th National Reservist Week na ginanap sa Lapu-Lapu Grandstand sa Camp Aguinaldo, Quezon City.
Bukod kay Senador Tolentino dumalo rin si AFP Chief of Staff General Romeo Brawner at ipinagmalaki ng opisyal sa senador na umabot sa 107,656 ang kabuuang bilang ng mga reserve officers sa hanay ng AFP.
Tinawag ni Tolentino na very dynamic ang kabuuang bilang ngayon ng reserve officers na mas lalong tataas ang bilang kapag ganap nang maging batas ang pagsusulong ROTC Law.
Kaugnay nito, hinihikayat ni Tolentino ang mga professional tulad ng mga doktor at mga engineers na sumapi sa programa.
Paliwanag ng senador, mahalaga ang pagsapi ng mga kababayan sa reserve officer dahil kapag maraming naka-uniporme nakikita ng mga kalaban na ang puso ng mga Filipino ay mas mainit ang pagmamahal at pagpapahalaga sa bayan.
Sa naturang okasyon nagpakita ng gilas ang hanay ng AFP K-9 Search and Rescue Team kung gaano sila kabilis sa pagresponde sa panahon ng kalamidad at sakuna.
Ibinida rin ng AFP ang mga sikat na mga artista na sumapi sa hanay ng reserve officers para makapagsilbi sa bayan. (NIÑO ACLAN)