ISA SA NAKINABANG ang mahigit sa 4,000 persons deprived of liberty (PDL) sa simultaneous mobile kitchen at mobile hospital na ipinagkaloob ni League of Municipalities of the Philippine (LMP) President Emeritus Luis Chavit Singson sa kanyang isinagawang feeding, medical, at dental mission sa Quezon City Jail na mainit na tinanggap nitong Sabado, 14 Setyembre.
Nabatid sa ulat na bumisita si Singson kasama ang kanyang anak na si Congresswoman Richelle Singson ng Ako Ilocano Partylist sa inmates ng Quezon City Jail sa Payatas at nagkaloob ng mainit na pagkain sa pamamagitan ng mobile kitchen at pangangalagang medical sa pamamagitan ng isang mobile na ospital.
Kaugnay nito ilan sa kapamilya o mahal sa buhay ng mga PDL na bumisita sa kanila ang nasiyahan sa pagkain dahil pinapayagan silang makibahagi sa hot arrozcaldo na iniaalok ng mobile kitchen ng mga Singson.
Ang iba pang mga PDL ay piniling mag-avail ng libreng medical check-up at konsultasyon mula sa mga doktor at health workers, hiniling ng mga Singson na makasama sila sa kanilang medical mission at outreach program.
Samantala ang jail facility ay kasalukuyang mayroong 4,200 PDLs, mga suspek at akusado sa paggawa ng iba’t ibang krimen.
Ngunit ang 2.3 ektarya na lugar ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ay kayang mag-accommodate nang hanggang 12,000 inmates.
Sa pagtatapos ng programa, sinabi ng nakatatandang Singson na ang outreach program ay isinagawa mula sa kahilingan ng mga opisyal ng BJMP at malugod niyang tinanggap, dahil naisagawa na nila ng kanyang anak na babae ang ilang medical mission at outreach program sa iba’t ibang lugar sa bansa na mas mababa ang target.
Si Singson, nag-anunsiyo na muli niyang susubukan na tumakbo sa karera ng senado bilang isang independiyenteng kandidato kung hindi siya isasama ng Malacañang sa kanilang senatorial slate, nangakong gagawa ng higit pa para sa mga PDL sa pamamagitan ng pag-aalaga sa kanila at sa kanilang mga miyembro ng pamilya sa pamamagitan ng pagpapatrabaho sa kanila sa kanyang business partners hindi lang sa Filipinas kundi sa buong Asia gaya ng, Japan, Taiwan at Korea. (NIÑO ACLAN)