NAARESTO ng Bacoor police ang isa sa dalawang suspek na responsable sa pagkasunog ng mga kabahayan sa Talaba Zapote III sa Bacoor, Cavite.
Ayon sa Bacoor PNP, nag-away ang mag-asawa sa hindi malamang kadahilanan, habang ang lalaki at ang kasama nito ay parehong gumagamit ng ilegal na droga hanggang mapagtripang sunugin ang bahay nila nang iwanan ng kanyang asawa.
Dahil pawang gawa sa light materials ang mga kabahayan mabilis na kumalat ang apoy hanggang maabo ang tirahan ng 839 pamilya o higit sa 4,000 indibiduwal.
Ang mga apektado ng sunog ay pansamantalang nanatili sa 17 evacuation centers sa Bacoor, Cavite.
Tiniyak ni Senator Bong Revilla, Jr., hindi pababayaan ng Team Revilla ang mga biktima ng sunog at hinahanapan na sila ng malilipatang lugar na malapit din sa kanilang dating tirahan.
Nagbanta ang senador na mabubulok sa kulungan ang suspek dahil sa ginawang panununog hanggang nadamay ang mga inosenteng pamilya.
Ang pahayag ni Revilla ay kasabay ng pagbisita ng mag-asawa kasama si congressman Lani Mercado Revillia at anak na si Bryan Revilla ng Agimat Partylist sa mga biktima sa Barangay Talaba II, isa sa mga evacuation centers para hatiran ng tulong.
Ayon kay Senator Bong, nakahanda rin magbigay ng tulong ang mga kapwa niya senador sa mga biktima ng sunog at tiniyak na hindi sila iiwan ng Team Revilla hanggang sila ay tuluyang makabangon muli. (NIÑO ACLAN)