INAMIN ni dating Gabriela Party-list representative at co-chairperson ng Makabayan Coalition Liza Maza na pinag-aaralan ng grupo nila at mga abogado ang pagsasampa ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Kaugnay ito ng ‘kuwestiyonableng paglustay’ ng kanyang confidential at intelligence funds at notice of disallowances at iba pang kautusan mula sa Commission on Audit (COA).
Sa pagdalo ni Maza sa weekly forum na “The Agenda” sa Club Filipino, kanyang sinabi na hindi magandang halimbawa sa isang public officials ang ginawa ni Sara na pag-abuso sa kaban ng bayan.
Ani Maza, tila ninanakawan ang isang dukkha na kumakain ng noodles na pinatungan ng VAT ang kanyang kinakain at binili.
Walang katiyakan kung kailan maihahain ang impeachment complaint kay Duterte at wala pang katiyakan kung sino sa mga mambabatas ang mag-eendoso nito.
Samantala sinabi ni dating presidential spokeperson Atty. Salvador Panelo, wala siyang nakikitang sapat na basehan para sampahan ng impeachment complaint ang Bise Presidente.
Binigyang-linaw ni Panelo, kung ang basehan ay confidential funds, ito ay hiningi ng Bise President na ipinagkaloob naman ng Pangulo.
“Ikalawa, kung ang basehan ay mga ipinalabas na notices ng COA ay hindi rin maaaring gamiting ebidensiya dahil ito ay kasalukuyang iniimbestigahan pa.”
Naniniwala si Panelo na hindi magtatagumpay ang mga balaking mapatalsik sa puwesto ang Bise Presidente.
Sa huli, aminado si Panelo na normal sa politika ang ganitong usapin at isyu lalo na’t naghiwalay ng landas ang presidente at bise presidente na magkasama sa iisang grupo noong tumakbo noong 2022 Presidential at Vice Presidential elections. (NIÑO ACLAN)