MAHIGIT 70 Chinese nationals mula sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) hubs ang ipina-deport ng Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC) pabalik sa China kahapon ng umaga.
Ang mga naturang Chinese ay sakay ng PAL flight PR-336 patungong Shanghai na lumipad kahapon ng umaga.
Binubuo sila ng 75 pawang nagmula sa isang POGO hub sa Pasay na dating sinalakay ng mga operatiba ng PAOCC at PNP na napag-alamang may ilegal na aktibidad sa lugar.
Ayon Kay PAOCC chief Undersecretary Gilbert Cruz, posibleng mabago pa ang naturang bilang dahil ang iba sa kanila ay may mga nakabinbing kasong kinakaharap depende sa dokumentong ipinoproseso ng Bureau of Immigration (BI).
Bago sila tuluyang ipinatapon ay sumailalim sa proseso ng BI ang mga dokumento ng mga dayuhan bago ipasok sa departure area para sa kanilang deportasyon kahapon ng umaga. (NIÑO ACLAN)