“TULOY ang pag-abante ng panukalang amyenda sa ‘Doble Plaka’ Law!”
Tiniyak ito ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino, matapos silang magkasundo ni 1-Rider Party-List Rep. Bonifacio Bosita para pagtulungang isulong ang kapakanan ng milyon-milyong motorcycle riders sa mga nalalabing sesyon ng 19th Congress.
Sa programang Usapang Tol, pinasalamatan ni Bosita ang senador sa pamumuno nito sa pagpasa ng Senate Bill No. (SBN) 2555 na mag-aamyenda sa Republic Act (RA) 11235, o Doble Plaka Law.
Sa botong 22-0 ay ipinasa ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. (SBN) 2555, na iitnaguyod ni Tolentino, noong 29 Hulyo.
“Maraming salamat sa inyong pagpasa sa panukalang amyenda sa Doble Plaka. Dahil kung babasahin mo ‘yung batas, ay para bang napakasama ng motorcycle riders, na hindi naman totoo,” ayon kay Bosita.
Bilang tugon, pinasalamatan ni Tolentino si Bosita, at sinabing nakahanda siyang tumulong para alisin ang mga hindi makatuwirang polisiya na nagdidiskrimina laban sa milyon-milyong motorcycle riders.
Samantala, ibinahagi ni Bosita na pumasa sa committee level ang House counterpart ng SBN 2555, at nakatakda na rin itong ikalendaryo sa plenaryo.
“Aantabayanan natin ang pagpasa niyan para mai-reconcile kaagad sa bersiyon ng Senado sa bicameral level, nang makatulong naman tayo sa mga kababayan nating riders,” ani Tolentino.
Nauna rito ay pinuna ng senador ang plano ng Land Transportation Office (LTO) Region 7 na hulihin ang mga motorsiklong gumagamit ng improvised licensed plates simula sa 1 Setyembre.
Hindi umano maintindihan ni Tolentino ang lohika ng direktiba ng ahensiya, gayong hindi pa naman nito nareresolba ang milyong backlogs sa pag-iisyu ng mga opisyal na plaka. (NIÑO ACLAN)