NAKAUWI na ang 23 Pinoys na biktima ng ‘scam syndicate’ at dumating kahapon, Huwebes, 29 Agosto, sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3 mula sa bansang Laos.
Sinalubong ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo Jose A. de Vega kasama ang OWWA Airport Team ang 23 Pinoys.
Binubuo ng 9 babae at 14 lalaki, lulan sila ng Philippine Airlines (PAL) flight PR733 na lumapag sa NAIA terminal 3.
Sa pahayag ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sila ay nailigtas mula sa ‘scam syndicate’ na pinangakuan sila ng magandang trabaho bilang mga customer service representative ngunit pagdating sa Laos ay napilitan silang magtrabaho bilang mga scammer.
Ang matagumpay na pagbabalik ng mga Pinoy ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na protektahan at tulungan ang ating mga kababayang nalalagay sa peligro sa ibang bansa. (NIÑO ACLAN)