PINURI ni Bagong Henerasyon Representative Bernadette Herrera ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa pag-aproba nito sa kanyang panukala na tanggapin ang mga Guarantee Letters (GLs) bilang pambayad ng mahihirap nating kababayan sa pagbili ng kanilang gamot sa mga pribadong drugstores.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa budget ng DSWD, kinompirma ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na bilang tugon sa panawagan ng Bagong Henerasyon partylist solon, pumasok sa isang kasunduan ang ahensya sa iba’t ibang pribadong drugstores na nagbibigay-daan sa pagtanggap ng GLs bilang pambayad sa mga bibilhing gamot ng mga nangangailangang mamamayan.
Ilan sa mga lumagda sa naturang kasunduan ay ang Rose Pharmacy, South Star, at ang The Generics Pharmacy.
Ayon sa kalihim, patuloy silang nakikipag-usap sa pharmaceutical retail giant na Mercury Drug na mapabilang sa programang ito.
Ayon kay Herrera, malaking tulong ang partnerships na ito sa mahihirap na pasyente sapagkat nagagamit nila ang guarantee letters mula sa DSWD upang makabili ng prescribed medicines.
Matatandaan na iginapang ni Herrera ang pag-aproba sa polisiyang ito upang aniya’y matugunan ang mga pangangailangang medikal ng indigent patients na walang kakayahang gumastos para sa pagbili ng kanilang gamot.
“Nagagalak tayo dahil nalaman nating gumawa ng napakalaking hakbang ang DSWD para maisakatuparan ang ating panukala,” ani Herrera.
“Malaking tulong at benepisyo talaga ito para sa mga kababayan nating indigents. Sila kasi ‘yung talagang hirap na hirap maghanap ng perang pambili ng gamot. Ito pong adbokasiyang ito, matagal na panahon na nating itinutulak – noon pang tayo ay konsehal pa lang ng Quezon City. Kaya’t masayang-masaya ako na nagbunga rin sa wakas ang pinaghirapan nating isulong,” dagdag ng kongresista.
Kaugnay nito, lubos na ipinagpasalamat ng mambabatas na sakop na rin ng guarantee letters ng DSWD ang therapy at iba pang medical interventions para sa mga batang may special needs. Mababatid na may panukala rin si Herrera na makatanggap ng nauukol na medical support ang vulnerable children na walang kakayahang pananalapi.
Binigyang-diin ni Herrera ang kahalagahan ng malawakang pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa pagpapatupad ng programa ng DSWD upang maipaabot ito sa mga ospital at rehabilitation centers.
“Napakalaking bagay nito at napakahalagang maiparating sa lahat ng stakeholders, partikular ang mga nasa healthcare sector. Mas malakas na suporta ang maibibigay nila sa mga pasyente kung may sapat na impormasyon ang pagpapatupad ng programang ito,” saad pa ni Herrera. (NIÑO ACLAN)