HINILING ni Senate President Francis “Chiz” EScudero sa kanyang mga kapwa senador na busalan o itikom ang bibig sa pagbibigay ng komento ukol sa usapin ng impeachment case laban sa impeachable officer o opisyal ng pamahalaan.
Inihayag ito ni Escudero matapos ibunyag ni Vice President Sara Duterte na maugong ang usapin sa pagsasampa ng kasong impeachment laban sa kanya sa mababang kapulungan ng kongreso.
Payo ni Escudero hindi dapat patulan ng mga Senador ang chismis, sabi-sabi o mga usapin ukol sa impeachment.
Paalala ni Escudero sa bawat senador, sa sandaling umakyat sa Senado ang impeachment complaint sila ay tatayong mga hukom at huhusga sa magiging kapalaran ng isang kaso.
Ang Senado ay tatayong impeachment court sa sandaling sampahan ng impeach case ang sinoman sa mababang kapulungan ng kongreso.
Paglilinaw ni Escudero, hindi lamang sa usapin ng Bise President ang kanyang paalala sa kanyang mga kapwa Senador kundi sa ibang mga usapin ng impeachment na ihahain sa mababang kapulungan ng kongreso.
Binigyang-linaw ni Escudero, ayaw niyang mapulaan o mabigyan ng kulay ang isang senador at akusahang na-pre judge ang isang kaso ng impeachment complaint kung siya ay magbibigay ng komento ukol dito.
Ngunit aminado si Escudero na hindi niya kontrolado ang bawat senador kung kaya’t hangga’t maaga, siya’y nagpapaalala. (NIÑO ACLAN)