NANAWAGAN si Senador Win Gatchalian sa Energy Regulatory Commission (ERC) na ipaliwanag ang pag-aproba sa pagtaas ng singil sa koryente simula Oktubre ng taong ito sa hangaring matiyak na makatuwiran ang dagdag singil.
“Kailangan nating tiyakin na ang pass-through charges ay makatuwiran upang ang anomang pagtaas sa presyo ng koryente ay hindi masyadong pabigat sa mga mamimili,” ani Gatchalian.
Nauna nang inaprobahan ng ERC ang pagtataas ng rate ng Meralco kasunod ng nakukuha nitong mas mataas na supply mula sa natural gas-fired power plants.
Batay sa resolusyon ng ERC, pinapayagan nito ang Meralco na i-reflect sa electricity bill ang adjusted rates mula sa gas-fired power plants ng First Gas Power Corp. at FGP Corp., simula sa Oktubre.
Inaasahang aabot sa 32 hanggang 33 sentimos ang rate hike kada kilowatt-hour (kWh) buwan-buwan sa loob ng 12 buwan.
Bilang vice-chairperson ng Senate committee on energy, sinabi ni Gatchalian na dapat imbestigahan ng ERC ang presyo ng LNG na kinontrata ng mga planta ng gas na humantong sa pagtataas ng singil.
“Importanteng maseguro natin na ang lahat ng ipinapasang bayarin sa mga konsumer ay nasa katuwiran at hindi puwedeng basta lang ipinapasa ng ERC,” sabi ng senador. (NIÑO ACLAN)