NATAGPUAN ng mga awtoridad ang ikatlong sasakyang-pandagat na naglalabas ng mga materyal na nakapipinsala sa kapaligiran sa baybayin ng Bataan.
Nakita ang langis na umaagos sa karagatan mula sa mga tangke sa loob ng Motor Vessel (MV) Mirola 1, na sumadsad malapit sa baybayin ng bayan ng Mariveles.
Natagpuan ng National Bureau of Investigation (NBI) Counter-Intelligence Division, NBI Bataan, Naval Intelligence sa Freeport Area ng Bataan Police ang barko na nakatagilid at walang natagpuang sakay.
Napag-alaman na noong nakaraang taon, nahuli ng NBI ang mga tripulante ng MV Mirola 1 na nagsasagawa ng pagnanakaw ng mahigit 30,000 litro ng diesel.
Iniimbestigahan na ng Bureau of Customs (BoC) kung naipuslit ang langis ng MV Mirola 1 habang sa ngayon, pinaghahanap ng NBI ang may-ari ng barko.
Ang pagkakatuklas ng MV Mirola 1 ay dumating tatlong araw matapos iulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na lumubog din sa Mariveles ang Motor Tanker (MTKR) Jason Bradley.
Ang motor tanker ay may dalang 5,500 litro ng diesel bago ito lumubog sa lalim na 9 metro, na lumubog sa maputik na lalim na 600 yarda ang layo mula sa dalampasigan noong Sabado, 27 Hulyo 2024.
Ang salvage operation para sa MTKR Jason Bradley ay inaasahang aabot hanggang dalawang linggo at nauna nang itinayo ang mga spill boom sa paligid ng lugar upang maiwasan ang pagkalat ng kargamento nito.
Ang isa pang barko, ang MT Terranova, ay lumubog sa bayan ng Limay sa Bataan noong 25 Hulyo 2024 sa gitna ng malakas na pag-ulan at maalon na karagatan.
Nagdala ito ng 1.4 milyong litro ng industrialoil, na tumagas sa karagatan at banta sa marine ecosystem ng Bulacan, Cavite, at posibleng iba pang lugar kabilang ang Metro Manila.
Ang mga pagsisikap na hithitin ang mga kargamento nito ay ipinagpaliban dahil ang ilan sa mga balbula nito ay kailangan pang selyohan bago magsimula ang operasyon. (MICKA BAUTISTA)