Sunday , December 22 2024

Anti-Hospital Detention Law, dinagdagan ng pangil

080124 Hataw Frontpage

ni NIÑO ACLAN

DAHIL sa patuloy na pagpigil ng ilang ospital sa paglabas ng mga pasyente, buhay man o patay, bunsod ng mga nakabinbing bayarin, isinusulong ngayon ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang panukalang magbibigay ng karagdagang ngipin sa batas na nagbabawal sa hospital detention.

“Kahit na mayroon nang umiiral na batas sa loob ng 17 taon, nagpapatuloy pa rin ang ilegal na gawain na mistulang salot sa ating health care system. Sa katunayan, maraming reklamo ang nakarating sa aking opisina mula sa mga kaawa-awang pamilyang nabiktima ng mga walang konsensiyang ospital,” sabi ni Estrada sa kanyang inihaing Senate Bill No. 2724. 

“Walang taong dapat makulong dahil sa utang. ‘Yan ay basic constitutional right. Anong batas ang pinanghahawakan ng ganitong walang awang mga ospital sa mahihirap?” ani Estrada na ipinunto na partikular na tinitiyak ng Republic Act No. 9439 na ang mga pasyente ay hindi dapat ginagawang hostage ng mga ospital kung hindi sila makapagbayad ng mga bayarin.

Sa kanyang panukalang amyenda sa RA 9439, o ang “An Act Prohibiting the Detention of Patients in Hospitals and Medical Clinics on Grounds of Nonpayment of Hospital Bills or Medical Expenses,” iminumungkahi ni Estrada ang pagpapataw ng mas mataas na multa at parusa laban sa mga ospital na lalabag dito.

Mula sa kasalukuyang multa na P20,000 hanggang P50,000, iminungkahi ng senador na itaas ito at gawin nang P200,000 o pagkakakulong nang hanggang tatlong taon o parehong ipataw sa mga opisyal o empleyado ng ospital na hindi sumusunod sa batas.

Maaaring maharap sa anim na taong pagkakakulong na may kasamang maximum na multang P2 milyon ang mga director o tagapamahala ng mga ospital o kahalintulad na pasilidad na nagpapatupad ng patakaran gaya ng hospital detention, ayon kay Estrada.

Isa sa mga idinulog sa senador ay ang kaso ng isang pasyente sa isang medical center sa Dasmariñas City sa Cavite na pinagbayad muna ng hindi bababa sa 70 porsiyento ng kanyang natitirang bayarin bago pinalabas mula sa pagkaka-confine.

May isang pasyente na aniya ay inobligang bayaran ang kabuuang P650,000 para sa tatlong linggong pagkakaospital dahil sa cardiac arrest bago siya pinayagang umuwi.

“Mas lalo pa nilang nilulubog sa utang ang pamilya ng pasyente dahil sa lumulobong bayarin dahil bawat araw na dumaraan ay patuloy silang nagbabayad sa kuwarto samantala pwede namang sa bahay na nagpapagaling ‘yung pasyente,” sabi ng senador.

Para paigtingin ang batas, nanawagan si Estrada na ang mga due for discharge na pasyente o ‘yung pinapayagan nang lumabas sa pagkakaospital ay maging saklaw ng umiiral na RA 9439.

Naglagay din si Estrada ng probisyon na ipagbawal ang pagkakait ng mga dokumentong may kinalaman sa pagsusuri, diagnosis, gamot, pangangalaga, at pagpapaospital ng pasyente.

Bukod dito, sinabi niyang mga death certificate at iba pang dokumento na kailangan para sa libing ay dapat ibigay sa loob ng 48 na oras. 

Kung ang pasyente ay aktibong miyembro ng Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), o Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), sinabi ni Estrada na maaaring magpakita ng guarantee letter mula sa alinman sa mga ahensiyang ito kasama ang promissory note bilang alternatibo sa paggarantiya sa pagbayad sa utang.

Kung indigent ang pasyente, maaaring magsumite ng guarantee letter mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Inirekomenda rin ni Estrada na isama sa patakaran ang mga pasyenteng naka-admit sa mga pribadong kuwarto dahil sa kakulangan ng mga non-private rooms o dahil sa matinding pangangailangan ng maysakit o kung inirekomenda ng medical professionals na malagay sila sa intensive care, isolation, quarantine, o iba pang kahalintulad na sitwasyon.

About Niño Aclan

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …