SINABI ni Senador Win Gatchalian dapat maglagay ng safety nets para sa mga manggagawang Filipino sa industriya ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na maaapektohan sakaling ipagbawal na ang lahat ng POGO sa bansa.
“Titiyakin namin ang pagsasabatas ng pagbabawal sa mga POGO ay may kasamang probisyon para sa mga safety net upang hindi maapektohan ang mga kasalukuyang nagtatrabaho sa industriya,” sabi ni Gatchalian, chairperson ng Senate committee on ways and means na kamakailan ay nagsagawa ng pagdinig hinggil sa panukalang pagbabawal sa lahat ng mga POGO.
Ayon sa senador, kailangan ng gobyernong maglatag ng tinatawag na transitory mechanisms kapag tuluyan nang mawala ang mga POGO sa bansa, tulad ng trabaho sa mga apektadong Filipino.
Aniya, ang kapakanan ng mga manggagawang kasalukuyang nagtatrabaho sa industriya ay dapat isaalang-alang.
Batay sa datos na ipinakita ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nanggaling sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), may 25,064 Filipino ang nagtatrabaho sa iba’t ibang POGO na tumatakbo sa bansa noong 2023.
Ito ay 52.2% ng mga manggagawang Pinoy kompara sa 22,915 dayuhang manggagawa na nagtatrabaho sa industriya.
Kabilang sa mga safety net para sa mga manggagawa ng POGO ang upskilling at reskilling programs upang matiyak na magkakaroon ng mga kapalit na trabaho ang mga maaapektohang manggagawa sa lalong madaling panahon.
Kasunod ng ipinahayag na suporta sa iminumungkahing batas na ipagbawal ang operasyon ng POGO sa bansa, sinabi ni DOLE Undersecretary Felipe Egargo na handa ang departamento na ipatupad sa lalong madaling panahon ang mga programang tutulong sa mga manggagawa ng POGO.
Ayon kay Egargo, nakahanda ang DOLE na magsagawa ng mga programa para sa reskilling at upskilling ng mga mawawalan ng trabaho sa mga POGO bukod sa livelihood at emergency na trabaho sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), ang community-based emergency employment ng DOLE para sa mga manggagawang nawawalan ng trabaho. Ang programa ay una nang ipinatupad ng DOLE noong panahon ng pandemya.
Hiniling ni Gatchalian sa DOLE na magsagawa ng skills mapping ng POGO workers upang matiyak ang mga partikular na programa na maaaring ipatupad para sa naturang mga manggagawa.
“Kailangan natin pangalagaan ang kapakanan ng mga kababayan nating nagtatrabaho sa mga kompanya ng POGO na maaapektohan sakaling alisin na ang lahat ng POGO sa bansa,” pagtatapos niya. (NIÑO ACLAN)