TILA ‘isinampal’ ni dating Caloocan representative Egay Erice sa tanggapan ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia ang mga dokumento na naglalaman ng paper trail ukol sa isang dollar bank account ng isang opisyal ng nasabing ahensiya.
Kasunod ito ng paghiling ni Erice kay Garcia na magsagawa ng imbestigasyon ukol sa naturang dollar bank accounts ng isang opisyal ng komisyon.
Ayon kay Erice ang naturang dollar account ay nagkakahalaga ng $15 milyon bukod sa pagkakaroon ng tatlong bahay sa ibang bansa.
Dahil dito isinumite ni Erice sa tanggapan ni Garcia ang mga dokumentong ipinadala sa kanya mula sa Bahamas sa pamamagitan ng FedEx ng hindi nagpakilalang indibiduwal.
“I trust your (Garcia) commitment to integrity, honesty, accountability and transparency as part of the value statement of the COMELEC and humbly urge you to carefully review the enclosed document,” bahagi ng liham ni Erice kay Garcia.
Binigyang-diin ni Erice na hindi maganda sa isang opisyal ng pamahalaan na tumanggap ng pera mula sa mga nakatransaksiyon ng nasabing ahensiya.
Tinukoy ni Erice na nakapaloob sa naturang mga dokumento ang bawat halagang ideneposito sa naturang account, kailan ideneposito, at sino ang nagdeposito.
Bagamat tumanggi si Erice na tukuyin kung sino ang nasabing opisyal, ngunit sa kanyang sulat na ipinadala sa tanggapan ni Garcia, ay maliwanag na ang Chairman ng Comelec ang nasa impormasyon ng bank account.
“I am writing to bring to your attention a matter of utmost importance that requires your immediate attention and action. Attached to this letter is a confidential document about your banking history and details. This document contains sensitive information that I believe warrants your verification and comment,” bahagi ng sulat ni Erice kay Garcia. (NIÑO ACLAN)