MAHIGIT sa 12,000 mangingisda at magsasaka mula sa lalawigan ng Cavite at Rizal ang nabigyan ng tulong at ayuda sa pamamagitan ng Presidential Assistance o Tupad program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ginanap sa Dasmariñas Arena sa Dasmariñas City, Cavite.
Tumanggap ng tig P10,000 ang bawat mangingisda at magsasaka sa presensiya nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at Senador Francis Tolentino kasama ang ilang opisyal ng lalawigan ng Cavite at Rizal para saksihan ang pamamahagi ng DSWD.
Kaugnay nito, sinabi ni Senador Tolentino na kanyang papasyalan sa 16 Hulyo 2024, araw ng Martes sa susunod na linggo ang mangingisdang nabangga ng dambuhalang Chinese vessel sa karagatan ng West Philippine Sea malapit sa Bajo de Masinloc noong 7 Huloy 2024 .
Ayon kay Tolentino, nakausap na niya si Robert Mondeñedo at ang pamilya ng nawawalang mangingisda na si Jose Mondeñedo at nagpadala na ng tulong pinansiyal sa pamilya ng mga biktima.
Aniya, sinulatan na niya ang ilang ahensiya tulad ng Department of Justice (DOJ) upang tulungan ang mga mangingisda na makapagsampa ng kaso at makamit ang hustisya sa ginawang hit and run ng dambuhalang Chinese commercial vessel.
Umaasa si Tolentino na marerekober nang buhay ng Philippine Coast Guard ang nawawalang mangingisda at makamit ang hustisya para sa kanila.
Nanawagan si Tolentino sa mga kababayan na ipagdasal ang ating Philippine Coast Guard at Philippine Navy na nagbabantay sa ating karagatan sa West Philippine Sea. (NIÑO ACLAN)