INSULTO para sa mga manggagawa.
Ito ang tahasang reaksiyon ni Ka Leody de Guzman, Chairman ng Buklurang Manggagawang Pilipino sa kanyang pagdalo sa lingguhang The Agenda sa Club Filipino.
Ayon kay De Guzman bukod sa insulto, hindi ito sapat upang makabili man lamang ng isang kilong bigas.
Nagtataka si De Guzman na mas mataas pa ang dagdag na sahod sa nakalipas na taon na may diperensiyang limang piso.
“Larawan iyon (wage increase) ng kawalan ng tamang pagtrato sa mga manggagawa. Tinitingnan nila na napakaliit na uri ng mga manggagawa sa lipunang ito, ‘yun ang ibig sabihin non,” ani De Guzman.
“Kung kaya’t lubhang masakit para sa mga manggagawa dahil sa grabeng itinaas na inflation, malaki ang nawala sa kanilang sahod pero kakarampot ang ibinigay para lamang huwag masabing hindi nagbigay.”
Humingi ng pang-unawa si Partido ng Federal ng Pilipinas (PFP) Deputy Secretary General Prof. John Teope sa nararamdaman ng sektor ng manggagawa.
Paliwanag ni Teope, kung bakit ito lamang ang naibigay ng pamahalaan ay dahil sa hindi lahat ng mga negosyante ay kakayaning magbigay ng dagdag na sahod sa kanilang mga mangagawa lalo ang maliliit na negosyo.
Ngunit nanindigan si De Guzman na bago ang 1986 na pamumuno ini dating Pangulong Corazon Aquino ay sunod-sunod ang mga wage hike, pantay-pantay sa lahat ng bahagi ng bansa, at walang tinatawag na provincial rate pero wala namang nagsarang negosyo o kompanya.
Nanawagan si De Guzman sa Senado na ang kanilang isinusulong na legislative wage hike ay kanilang inaasahan nang sa ganoon ay magkaroon naman nang maayos-ayos at magandang kita ang ating mga mangagawa. (NIÑO ACLAN)