NAGHAIN si Senadora Nancy Binay ng reklamo sa Senate committee on ethics laban kay Senador Alan Peter Cayetano kaugnay sa isang insidente sa pagdinig noong nakaraang linggo ng Senate Committee on Accounts ukol sa New Senate Building (NSB).
Batay sa 15-pahinang reklamo ni Binay, nakasaad dito ang naramdamang pambabastos at ginawang pagtrato sa kanya ni Cayetano noong siya ay dumalo sa nabanggit na pagdinig.
Halos maluha si Binay nang siya ay makapanayam ng media matapos ang kanyang paghahain ng reklamo laban sa kapwa senador.
Samantala umaasa si Cayetano na mababalewala ang reklamong inihain sa kanya ni Binay lalo na’t hindi ito ang tunay na isyu kundi ang usapin ng NSB ang dapat resolbahin.
Nanindigan si Cayetano na kung karapatan ni Binay na maghain ng reklamo sa ethics committee ay mayroon din siyang karapatang maghain.
Aminado si Cayetano na kung naramdaman ni Binay na siya ay nabastos, siya rin bilang chairman ng committee ay nabastos siya sa ginawang pananalita at hakbangin ni Binay sa pagdalo sa komite.
Sa huli ay parehong sumang-ayon ang dalawang senador na maaari pa rin naman silang magpatawaran sa isa’t isa kung talagang makapag-uusap nang mahinahon at maayos.
Ngunit sinabi ni Cayetano, kung nais makipag-usap ni Binay dapat ay kaharap ang lahat at sa publiko upang sa ganoon ay walang maisip ang taong bayan na mayroong itinatago sa naturang usapan.
Naninidigan si Cayetano na wala siyang inaakusahang mayroong korupsiyon at hindi niya target si Binay kundi nais lamang niyang maipaliwanag ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kung bakit umabot sa P23 bilyon ang nagagastos sa NSB.
Nanawagan si Cayetano kaya Binay na kung nais niyang dumalo sa pagdinig at humingi ng ilang oras at minuto para magsalaita o magtanong ay kanyang papayagan.
Tinukoy ni Cayetano na hindi na bago ang naganap na insidente sa pagitan nila ni Binay dahil noon pa man ay mayroon na rin katulad na pangyayari. (NIÑO ACLAN)