SINUPORTAHAN ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino ang idinaos na fun run para sa West Philippine Sea (WPS) na dinaluhan ng itong libong katao na pinangunahan ng Philippine Coast Guard upang higit na bigyan ng kamalayan at kaalaman ang publiko na ginanap sa Mall of Asia (MOA).
Ayon kay Tolentino malaking tulong ang ganitong okasyon upang higit na magkaroon ng sapat na kaalaman ang bawat mamamayan ukol sa isyu at usapin ng WPS.
Nanawagan si Tolentino sa lahat na huwag kalimutang isama sa ating mga dasal ang mga kawani ng Coast Guard, Philippine Navy at mga kawani ng Maritime group.
Nanindigan si Tolentino na ang WPS ay bahagi ng teritoryo ng Filipinas kung kaya’t mayroong karapatan ang bawat mangingisdang Filipino dito.
“Ang ganitong gawain o event ay nagpapakita ng pagkakaisa at maganda ito dahil maraming kabataang Filipino ang dumalo na ang level of awareness ay tataas,” ani Tolentino sa isang panayam matapos siyang lumahok sa fun run.
Bukod dito, tiniyak ni Tolentino, sa darating na budget deliberation ay kanyang susuportahan ang budget ng Armed Forces of the Philippine (AFP) at Coast Guard upang higit nilang mabigyan ng proteksiyon at mapangalagaan ang teritoryong sakop ng Filipinas.
Nagpapasalamat si Deputy Chief Of Staff, Spokesperson Philippine Coast Guard Commodore Jay Tristan Tariella sa suportang ipinakita ni Tolentino sa patuloy na laban sa WPS.
Dahil dito, hindi naitago ni Tariella na sabihin na ang tulad ni Tolentino ang kailangan at nararapat sa senado.
Tiniyak ni Tariella na gagawin ang lahat ng tropang Pinoy upang ipagtanggol ang ating karapatan sa WPS.
Ang susunod na fun run para sa WPS ay gagawin sa Cebu ngunit wala pang araw kung kailan ito. (NIÑO ACLAN)