NANINIWALA si Senate President Francis Joseph “Chiz” Escudero na hindi sapat ang P35 wage increase para sa mga manggagawang Filipino sa National Capital Region (NCR) na nais ipatupad ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB).
Ayon kay Escudero tila hindi tumutugma sa tunay na pangangailangan ng isang manggagawa ang naturang dagdag na sahod lalo’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Kinuwestiyon ni Escudero ang naging batayan ng RTWPB na tila taliwas sa tunay na halaga ng bilihin sa kasalukuyan.
Nagtataka si Escudero na tila palaging kulang ang ibinibigay na dagdag na sahod ng RTWPB sa mga manggagawa.
Maging si Senador Joel Villanueva ay naniniwalamg hindi sapat ang naturang dagdag na sahod sa kabila na siya ay nagpapasalamat ukol dito.
Iginiit ni Villanueva, ang isang living wage hike ay tutukoy kung ang isang sahod ay kayang matustusan ang pagkain, sapat na nutrisyon, maayos na tirahan at ang pag-aaral ng kanilang mga anak.
Nagpapalamat sina Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada at Senador Ramon Revilla, Jr., sa naging desisyon ng RTWPB.
Umaasa sina Estrada at Revilla na kahit kaunti ay magkakaroon ng dagdag na tulong para sa ating mga kababayan.
Sa huli, nagkakaisa ang mga senador na mahalagang ipagpatuloy ang pagsusulong sa panukalang batas na P100 across-the-board wage increase nang sa ganoon ay maramdaman ng mga manggagawa ang dagdag na sahod. (NIÑO ACLAN)