INAKUSAHAN ni Senadora Nancy Binay ang pagiging marites o ‘tsismoso’ ng isang senador.
Ito ay tahasang ibinunyag ni Binay sa isang press conference sa mga miyembro ng media matapos na tanungin ukol sa kontrobersiyal na New Senate Building.
Ayon kay Binay, batay sa impormasyong kanyang nabatid, ang naturang senador ay patuloy na umiikot at nakikipag-usap sa kung sino-sino para siraan ang ilang mga kasamahan niyang senador.
Tinukoy ni Binay na ang paninira sa kanya at sa ilang senador na kagagawan din ng isang senador ay mayroong kaugnayan sa New Senate Building Construction.
Ngunit tumanggi si Binay na tukuyin kung sinong senador ang kanyang tinutukoy na isang tsismoso.
Kaugnay nito naniniwala si Binay na ang isyu ng bagong gusali ng senado ay iniuugnay sa pagitan ng lungsod ng Taguig at Makati lalo nang nakuha ng Taguig ang 10 Barangay ng Makati batay sa kautusan ng Korte Suprema. (NIÑO ACLAN)