NAKUHA na ng kanilang mga kaanak ang mga labi ng dalawang marino ng M/V True Confidence sa NAIA cargo area sa Pasay City, na sinabing nasawi dahil sa missile strike sa Gulf of Aden.
Ang dalawang marino ay kabilang sa 15 tripulanteng Filipino na sakay ng MV True Confidence, na sinalakay ng mga rebeldeng Houthi noong 6 Marso habang binabagtas ang Gulf of Aden.
Ang natitirang 13 tripulante ay nakabalik na sa bansa at nabigyan na ng kinakailangang tulong ng gobyerno.
Ang mga labi ng dalawang marino ay inihatid pauwi ng Dubai Labor Attaché John Rio Bautista habang ang mga opisyal ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay nakikiramay sa mga pamilya at tiniyak sa kanila ang kinakailangang tulong.
Ang DMW, OWWA, at Department of Foreign Affairs (DFA) sa pakikipag-ugnayan sa mga may-ari ng barko at lokal manning agencies, ay nagtutulongan para sa pagkuha at pagpapauwi ng mga labi ng mga tripulanteng Pinoy. (NIÑO ACLAN)