HINIMOK ni Senador Win Gatchalian kay Guo Hua Ping o Alice Guo na magsalita na, makipagtulungan sa mga awtoridad, at isiwalat ang totoong operasyon at “malalaking tao” sa likod ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO, na tinatawag na ngayong Internet Gaming Licensees o IGL, na gumagawa ng mga iligal at kriminal na aktibidad.
“Hinihikayat ko si Alice Guo na magsalita na, makipagtulungan sa mga awtoridad, at ibunyag ang mga pangunahing tao sa likod ng mga iligal at kriminal na offshore gaming operations,” sabi ni Gatchalian.
“Upang mabawasan ang kanyang pananagutan, maaari niyang isiwalat ang lahat ng kanyang nalalaman tungkol sa parehong operasyon ng POGO sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga lalo na’t sinasabing magkaugnay ang dalawa. Ngayon at maliwanag na ang tunay niyang pagkakakilanlan, patong-patong na kaso ang maaaring isampa laban sa kanya dahil sa kanyang pagsisinungaling at panlilinlang, kaya mas mainam na magsalita na siya,” binigyang-diin ni Gatchalian.
Si Guo, kasama ang iba pa, ay kinasuhan ng non-bailable qualified human trafficking ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC). Ang Office of the Solicitor General (OSG) naman ay nagbabalak na magsampa ng kaso ng quo warranto laban sa kanya matapos makumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Alice Guo at ang Chinese national na si Guo Hua Ping ay iisang tao sa pamamagitan ng magkatugmang fingerprints. Bukod dyan, pinag-aaralan na rin ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagsasampa ng election offense laban sa suspendidong alkalde ng Bamban.
Dahil sa kanyang kaugnayan sa Bamban POGO hub at Porac POGO hub, naniniwala si Gatchalian na si Guo ay nasa posisyon upang magbigay-linaw sa mga pangunahing indibidwal at operasyon na nagpapatakbo ng mga kriminal na aktibidad o mga sindikato. Inaasahan na ang kanyang testimonya ay makakatulong nang malaki sa mga law enforcement agencies at regulatory bodies sa kanilang pagsisikap na buwagin ang mga ilegal na operasyon ng POGO at papanagutin ang mga gumagawa ng krimen.
“Mahalaga ang papel na maaaring gampanan ni Guo sa pagbubunyag ng katotohanan at pagtiyak na mananagot ang mga sangkot,” sabi ni Gatchalian.
Ang industriya ng POGO ay nasa ilalim ng masusing pagsusuri dahil sa kaugnayan nito sa iba’t ibang ilegal at kriminal na gawain, kabilang ang money laundering, human at sex trafficking, pag-iwas sa buwis, at online scamming. (NIÑO ACLAN)