KASUNOD ng pinakahuling report ng Commission on Population and Development (CPD) na mahigit 22,000 batang kababaihan ang dumanas ng paulit-ulit na pagbubuntis o repeat pregnancy, iginiit ni Senador Win Gatchalian ang pangangailangan ng mas pinaigting na comprehensive sexuality education (CSE) at mga programa ng social protection para sa mga batang ina.
Ayon sa CPD, 13-15 anyos ang naitalang dumanas ng repeat pregnancy.
Bagama’t naging dahilan ang pandemya ng COVID-19 sa paglobo ng mga kaso ng maagang pagbubuntis, binigyang diin ng CPD ang papel ng kultura sa mga komunidad. Halimbawa, napipilitang magsama sa ilalim ng isang bubong ang isang batang ina at ang nakabuntis sa kanya.
Ayon sa CPD, maaaring senyales ng pang-aabuso ang malaking pagitan ng edad sa isang batang babae at ng nakabuntis sa kanya.
Para kay Gatchalian, mahalagang panatilihin ang mga batang babae sa mga paaralan, kung saan maaari silang matuto sa ilalim ng CSE at magkaroon ng access sa mga child protection programs.
Binigyang diin niya rin na mahalagang mabigyan ng pangalawang pagkakataon ang mga batang ina na muling makapasok sa sistema ng edukasyon.
“Napagkakaitan ang mga batang ina na magkaroon ng magandang edukasyon at ang paulit-ulit na pagbubuntis ay maaaring senyales ng pang-aabuso. Mahalagang panagutin natin ang mga nang-aabuso sa mga batang kababaihan at tiyaking mabibigyan natin ng pangalawang pagkakataon ang mga batang ina,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Nanawagan si Gatchalian na ipatupad nang mahigpit ang mga batas na layong protektahan ang mga batang babae mula sa pang-aabuso o karahasan. Isa na rito ang Republic Act No. 11596 na nagbabawal sa child marriages, o ang isa o higit pa sa mga ikinasal ay menor de edad.
Binibigyan din ng proteksiyon ng batas ang mga
18 anyos pataas na walang kakayahang alagaan o protektahan ang kanilang mga sarili sa pisikal o mental na kalagayan. Ipinagbabawal din ng naturang batas ang pagsasama ng isang bata at isang nakatatanda na hindi kasal.
Itinaas ng Republic Act No. 11648 ang age of sexual consent mula 12 hanggang 16 anyos. (NIÑO ACLAN)