TAHASANG sinabi ni Senate President Francis Joseph “Chiz” Escudero na walang balak sundan ng senado ang ipinalabas na kautusan sa mababang kapulungan ng kongreso na maging bahagi ng flag ceremony ang pagbigkas ng pledge at hymn ng Bagong Pilipinas.
Ayon kay Escudero iginagalang niya ang desisyon ng mababang kapulungan ng kongreso at wala naman siyang nakikitang masama ukol sa bagay na ito.
Ngunit sa senado, kasalukuyang pinag-aaralan ng secretariat at legal team ang pledge at hymn batay sa kanyang naunang kautusan.
Matatandaang unang nagpalabas ng executive order si Executive Secretary Lucas Bersamin na nag-oobliga sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan na isama sa pagbigkas sa kani-kanilang flag ceremony ang pledge at hymn ng Bagong Pilipinas.
Ngunit matapos nito agad sinabi ni Escudero na ang kautusan ni Bersamin ay hindi sakop ang lehislatibo kundi ito ay pang executive at judiciary dahil sila ay para-parehong equal branch of government.
Tiniyak ni Escudero, anoman ang resulta ng pag-aaral ng secretariat ng senado at legal team ay kanila itong isasapubliko at tinitiyak niyang susundin ito. (NIÑO ACLAN)