IPINAHAYAG ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang magandang balitang natanggap niya mula sa Philippine Reclamation Authority (PRA) — iminungkahi ng ahensiya na suspendehin ang pangongolekta ng toll fee para sa lahat ng uri ng sasakyang daraan sa Manila-Cavite Toll Expressway, na sumasaklaw sa mga lugar ng Taguig, Parañaque, Las Piñas, Bacoor, at Kawit, sa loob ng 30 araw.
Bahagi ang naturang inisyatibo ng mga plano ng Pangulo na magpakilala ng mga bagong express road sa mga nangangailangan.
Tinanggap ng Pangulo ang panukalang ito mula sa PRA, pinasalamatan sa kanilang inisyatibo, at pinuri ang pagsisikap na mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng gasolina sa mga motorista.
Pinamumunuan ang PRA ni Atty. Alexander T. Lopez, ang Manila Chairman ng opisyal na political party ni Pangulong Marcos, na Partido Federal ng Pilipinas (PFP), at ang mga bagong hinirang na Board of Directors nito, kabilang sina General Manager Cesar S. Siador, Jr., Director Onyx Crisologo, Director Steve Dioscoro Esteban, Jr., at Director Nolasco Bathan.
Nanawagan si Pangulong Marcos sa Toll Regulatory Board (TRB) para sa agarang pagpapatupad ng toll holiday para sa benepisyo ng riding at transport public.
“I now count on our Toll Regulatory Board to ensure the immediate implementation for the benefit of the riding and the transport public,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Isang collaborative project ang Cavitex C5 Link ng PRA, TRB, at Cavitex Infrastructure Corporation (CIC), na subsidiary ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), at idinisenyo upang mapabuti ang regional movement ng mga tao at mga kalakal, na naglalayong mapabilis at magkaroon ng maayos na ruta para sa mga commuters at transport services.
“Nagpapasalamat po tayo sa leadership ni PBBM. This would not be possible without his dedication to bring a new Philippines to the people,” pahayag ni Atty. Lopez. (NIÑO ACLAN)