HINIKAYAT ni Senadora Nancy Binay ang National Food Authority (NFA) na simulan ang pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang matukoy ang mga lugar na apektado ng El Niño at ang pagdagsa ng imported na bigas.
Ayon kay Binay, ang isang mapa ng kahinaan ay makatutulong sa NFA na bigyang-pansin ang mga lugar kung saan dapat nilang ituon ang kanilang mga pagsisikap sa pagbili.
“Matagal nang napapabayaan ang mga magsasaka ng palay — ‘di lang naman pagdating sa bilihan ng palay, pati na rin sa mga ibinibigay na ayuda at tulong sa pagsasaka. Sa pagtutok sa mga rehiyon na may mataas na bilang ng mga naghihirap na magsasaka, maaaring siguruhin ng NFA ang mas epektibong paggamit ng kanilang mga resources at maabot nang pinakamahusay ang mga nangangailangan ng suporta,” pahayag ni Binay.
Bagaman nagbibigay ng kaunting ginhawa ang NFA Council sa pamamagitan ng pagbebenta ng bigas ng 20% mas mababa sa halaga sa merkado (mga P40-45 bawat kilo), ang mga amendment sa Rice Tariffication Law (RTL) ay magbibigay ng mas malaking kapangyarihan sa NFA na magbenta ng bigas nang direkta sa mga merkado sa mas mababang presyo, na maaaring pakinabangan ng mga magsasaka at mamimili.
“Ang mas epektibong sistema ng pagbili ng NFA, kasama ang pagsuporta sa mga kooperatiba, maaaring magdulot ng mas maraming locally-sourced na bigas sa kompetitibong mga presyo. Ito ay nakabubuti sa mga mamimili, lalo sa mga pamilyang may mababang kita, sa pamamagitan ng pag-aalok sa kanila ng abot-kayang mga pagpipilian para sa de-kalidad na bigas. Ang lokal na pamamaraan, kasama ang tulong ng mga LGUs at isang mapa ng kahinaan, ay maaaring maging isang pangunahing pagbabago,” sabi ni Binay.
Idinagdag niya, sa tulong ng pagmamapa, ang isang itinutok na pamamaraan ay nagbibigay-lakas sa mga magsasaka, at may potensiyal na maibsan ang agwat sa pagitan ng mga programa ng NFA at ng mga magsasaka sa Filipinas na tiyaking mas matatag na hinaharap para sa industriya ng bigas at pangangalaga sa interes ng mga prodyuser at mamimili.
“May moral na obligasyon ang gobyerno na protektahan ang mga magsasaka at mamimili. Dapat ang NFA ang tumatayo bilang tagapamagitan sa mga magsasaka ng palay mula sa mga mapagsamantalang kalakalan — kasama ‘yun sa kanilang mandato. Hindi natin dapat payagan ang mga nangangalakal at importador na makaapekto sa merkado ng bigas kaya’t kailangan nating bigyang-diin ang pangangailangan ng isang suportang nakatutok. Ang NFA ay maaaring magsilbing direktang mamimili at dapat nasa unahan sa pag-aalok ng mataas na presyo sa pagbili sa mga magsasaka,” pahayag ni Binay.
Idinagdag niyang ang isang ‘mapa ng kahinaan’ ay maaaring matukoy ang maliliit na kooperatiba na nangangailangan ng tulong, at maunawaan ang mga partikular na pangangailangan ng iba’t ibang rehiyon na nagbibigay-daan sa NFA at LGUs na i-customize ang kanilang mga programang pangsuporta. Maaaring isama ang pagbibigay ng access sa mas mahusay na mga pasilidad sa pag-iimbak, pagpapabuti ng mga kalsada mula bukid patungo sa merkado, o mga programang tulong-pinansiyal na espesyal na idinisenyo para sa mga magsasakang marginalized sa mga lugar na may kahinaan.
“Ang mahalaga, ibuhos natin ang suporta sa ating mga magsasaka at huwag nating balewalain ang halaga ng kanilang ani. Matagal na silang nagdurusa sa pagpapabaya at hindi patas na kompetisyon. Kahit ang mga magsasakang nagtatanim sa maliit na sakahan ay madalas na kulang sa kapangyarihan sa pangangalakal laban sa malalaking kompanya na nagreresulta sa kanilang pag-aalok ng mas mababang presyo ng kanilang palay sa mga pribadong mangangalakal na nagsasamantala sa kanilang sitwasyon. Kaya’t kailangan din repasohin ng NFA ang kanilang mga sistema ng suporta at hindi mapagkakatiwalaang mga programa ng pagbili,” dagdag niya.
Kumikilos man ang Senado upang tugunan ang mga isyung ito, sinabi ni Binay, may mga panawagan para sa mas komprehensibo at tuloy-tuloy na mga pagsisikap ng NFA upang tiyakin na sapat ang suporta sa mga magsasakang Filipino at maaari silang makipagkompetensiya nang patas sa merkado. (NIÑO ACLAN)