IGINIIT ni Senate Pro-Tempore Senador Francis Tolentino dapat magkaroon ng kalinawan ang direktiba ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na isama sa weekly flag ceremony ang Bagong Pilipinas pledge o hym.
Magugunitang nag-atas ang Pangulo, sa pamamagitan ng kanyang inilabas na Memorandum Circular No. 52, para sa mga tanggapan ng gobyerno na isama ang pledge at himno ng Bagong Pilipinas sa flag ceremonies maging sa lehislatura at hudikatura.
Ang MC 52, na nilagdaan ni Marcos noong 4 Hunyo, ay nag-uutos sa lahat ng ahensiya at daluyan ng gobyerno, kabilang ang mga korporasyong pag-aari o kontrolado ng gobyerno, mga unibersidad ng estado, at mga kolehiyo, na gamitin ang kampanyang Bagong Pilipinas.
Naniniwala si Tolentino na ang pagpasa ng isang batas ay makatutulong sa pagsagot sa mga tanong na itinaas sa memorandum circular.
Aniya, mas makabubuti kung isabatas ito para mabigyang linaw kung naaangkop ba ang circular sa lahat ng tatlong sangay ng gobyerno.
Ang ilang mga abogado ay nagsasabing ang direktiba ng Malacañang ay sumasalungat sa umiiral na Republic Act 8491, o ang Flag and Heraldic Code of the Philippines. (NIÑO ACLAN)