Tuesday , June 18 2024
‘Mangangalakal’ bugbog-sarado sa 15 sekyu ng Las Piñas subdivision

‘Mangangalakal’ bugbog-sarado sa 15 sekyu ng Las Piñas subdivision

BUMUHOS ang suporta para sa isang 26-anyos ‘mangangalakal’ na biktima ng pambubugbog at pagmamaltrato ng mga security guard sa isang malaking subdibisyon sa Las Piñas City matapos humingi ng saklolo sa media upang makamit ang hustisya laba sa malahayop na pagtratong kanyang naranasan.

Ayon sa salaysay ni Marjhorie Kirit, 30 anyos, kapatid ng biktimang si Mervin Kirit, 26 anyos, nangangalakal ang kanyang kapatid noong 22 Abril 2024 bandang 10:00 am nang biglang akbayan at iposas ng mga guwardiya sa nasabing subdibisyon.

Ikinagulat ni Mervin ang ginawa ng mga security guard lalo’t siya ay kilalang maintenance worker ng ilang kabahayan doon.

Matapos iposas ng mga guwardiya, sinukluban din ang biktima ng traffic cones kasunod ng mga suntok, sipa, palo, at iba pang uri ng pananakit ang ginawa kay Mervin.

Ayon kay Marjhorie, imbes sabihin sa kanyang kapatid kung ano ang kanyang paglabag kung mayroon man, agad siyang sinukluban ng traffic cone at mistulang pinaglaruan ng mga guwardiya sa nasabing subdivision.

         Hindi na namalayan ni Mervin kung ilang oras diyang nakadetine sa nasabing lugar kaya nang magkaroon ng pagkakataon upang takasan ang mga guwardiya ay agad siyang tumalon saka naglakad nang mabilis palayo sa lugar.

         Noon lamang nabatid ni Mervin na inabot na siya ng 12:00 madaling araw ng 23 Abril 2024 bago nakalaya sa kamay ng mga guwardiya.

Kuwento ni Marjhorie, humingi sila ng saklolo sa isang coordinator ng mga guwardiya na sinabing isa sa mga opisyal ng homeowners’ association ngunit imbes tulungan ay binalewala sila at hindi man lamang ibinigay ang pangalan ng mga security guards.

Lalo pang nalungkot ang kapatid ng biktima nang maramdaman niyang tila may pagtatakip sa insidente at may pahiwatig pa ng pagbabanta.

Dahil dito, tinangka nina Marjhorie na kunin ang kopya ng CCTV camera ngunit ito raw ay sira at hindi gumagana.

Sinabi ni Marjorie na sa ngayon ay takot at trauma ang nararamdaman ng kanyang kapatid na si Marvin at pansamantala munang tumutuloy sa ibang bahay para sa kanyang seguridad.

Ngunit tiniyak ni Marjorie na kayang-kayang isa-isahin ng kanyang kapatid ang mukha ng mga sekyu na bumugbog sa kanya.

Paliwanag ni Marjorie, ngayon lamang sila naglakas ng loob na humarap sa publiko dahil sa mabubuting tao na nagpadala sa kanila ng mga ebedensiya para tumayo ang kaso ng kanyang kapatid na si Marvin laban sa tinatayang 15 security guards.

Agad nagpa-medico legal si Marvin bilang patunay sa bugbog, galos, pasa at kirot na sinapit niya mula sa kamay ng 15 sekyu.

Sinabi ni Marjorie na ilang beses nang labas-pasok sa subdivision ang kanyang kapatid na si Marvin dahil nagtatrabaho siya bilang construction o maintenance worker sa ilang mga bahay sa naturang Lugar.

Napilitang mangalakal si Marvin sa subdivision upang kumita ng pera pambili ng gamot dahil mayroong sakit ang kanyang anak.

Sa ngayon ay nakatakdang maghain ng reklamo ang biktima laban sa mga sekyu ng nasabing subdibisyon. (NIÑO ACLAN)

About Niño Aclan

Check Also

SM Supermalls 100th Job Fair 1

SM Supermalls Celebrates Milestone with 100th Job Fair

June 14, 2024 – Manila, Philippines –SM Supermalls proudly hosted its 100th job fair, reinforcing …

Mark Leviste Vilma Santos

VG Mark handang magparaya kay Ate Vi sakaling tatakbo muling gobernador

I-FLEXni Jun Nardo NAKARATING kay Batangas Vice Governor Mark Leviste ang pahayag ni Finance Secretary Ralph Recto na kinu-consider …

Queen Vi Rodriguez ACT AGRI-KAAGAPAY

ACT AGRI-KAAGAPAY, nakiisa sa parada ng kalayaan 2024

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio NAKIISA ang Act Agri-Kaagapay Organization, isang non-government organization na nagsusulong …

Lito Lapid

Lapid: Raid sa POGO hub sa Pampanga, isama sa Senate investigation

NANAWAGAN si Senador Lito Lapid sa Senado na isama sa imbestigasyon ang pagsalakay ng mga …

Francis Tolentino

Sen. Tolentino iginiit dapat linawin direktiba sa Bagong Pilipinas Hymn

IGINIIT ni Senate Pro-Tempore Senador Francis Tolentino dapat magkaroon ng kalinawan ang direktiba ng Pangulong …