NANAWAGAN si Senador Lito Lapid sa Senado na isama sa imbestigasyon ang pagsalakay ng mga tauhan ng Presidential Anti-Crime Commission (PAOCC) sa POGO hub sa Pampanga.
Ayon kay Lapid, kailangan malaman ang katotohanan kung sino ang tunay na nasa likod ng operasyon ng nasabing POGO.
“Nararapat na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang malaman kung sino ang mga taong tunay na nagmamay-ari ng mga lupa at mga building na ginagamit sa POGO at ang kompanyang nagpapatakbo rito nang sa ganoon ay malaman ang buong katotohanan kung sino talaga ang nasa likod ng mga POGO,” ayon kay Lapid.
Umaapela rin si Lapid sa media na maging balanse at responsable sa ipinahahayag upang maiwasang madamay ang mga taong wala talagang kinalaman sa operasyon ng POGO sa Pampanga.
“Kami ay nananawagan sa ating mga kapatid sa media, at social media, na maging responsable at mapanuri, bago magpahayag ng mga walang basehang akusasyon, nang sa ganoon ay maiwasang mapagbintangan ang mga inosente at walang kasalanan,” pahayag ni Lapid.
Kaugnay nito, pinupuri at sinusuportahan ni Lapid ang pambihirang aksiyon ng mga tauhan ng PAOCC at iba pang law enforcement at intelligence agencies ng pamahalaan.
“Ang kanilang ginawang pagsalakay sa mga POGO hub sa Tarlac at Pampanga ay hindi lang nagbunga ng sapat na mga ebidensiya para sa paghahain ng kasong kriminal, kundi magiging daan din para itama ang mga kakulangan sa ilang batas para mapigilan ang paglapastangan sa regulatory processes,” saad ni Lapid.
Nakikiisa si Sen. Lapid sa hangarin ng mga kababayan na dapat protektahan ang pambansang interes at papanagutin ang mga taong sangkot sa ilegal na POGO operation.
“Ang mga karumal-dumal na krimen na nadiskubre sa POGO raid sa Bamban, Tarlac at Pampanga ay hindi lamang nararapat na kondenahin kundi kailangan din ng mabilis na aksiyon mula sa pamahalaan upang mapanagot ang mga nasa likuran ng mga gawaing kriminal, kaakibat rin ang pagbalangkas ng mga bagong polisiya laban sa ilegal na POGO at iba pang kahalintulad na operasyon sa bansa,” diin ng Senador. (NIÑO ACLAN)